top of page

FR Diaries| Hindi Lahat ng Nananatili ay Naninindigan

  • Larawan ng writer: Kontra Kwento
    Kontra Kwento
  • 6 oras ang nakalipas
  • 4 (na) min nang nabasa


Hindi lahat ng nananatili sa hukbo ay naninindigan pa rin sa ideolohiyang kanilang pinaglilingkuran. Batay sa karanasan at pagkakakilala ko sa mga dati kong kasamahan, marami sa kanila ang matagal nang gustong bumaba at talikuran ang buhay na iyon, ngunit hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon. Ang iba ay sadyang naging biktima ng mga sitwasyong unti-unting kumitil sa kanilang kakayahang pumili para sa sarili.


Kapag matagal kang namuhay sa isang mundong hiwalay sa lipunan, unti-unting lumiliit ang mundong ginagalawan mo. Dahil sa mahabang panahon ng pagkabukod sa kabundukan, marami ang nawawalan ng tiwala na kaya pa nilang bumuo ng normal na buhay sa ibaba. Ang organisasyon na lamang ang tanging nagiging mundo nila. Ang tinatawag naming "rev family"—ang mga kasama—ang nagiging tanging pamilyang kinikilala nila. Sa bawat paglipas ng panahon, unti-unting natatakot ang mga hukbo na muling makipagsapalaran sa ordinaryong buhay.


Hindi lamang iyon. Sinisiguro rin ng organisasyon na lalo silang matali rito. May posibilidad na may mga maiiwang asawa o pamilya sa loob na hindi nila kayang iwan kapag sila ay bumaba. Ang mga nakikitang bulnerable ay binibigyan ng mabibigat na responsibilidad, kung saan ang konsensiya mismo ang nagiging tanikala. Ginagawa silang responsable sa buhay ng iba, itinutulak na maging lider, at unti-unting itinatali ang buong pagkatao nila sa kapangyarihan ng organisasyon.


Kapag nagpakita ka ng pagnanais na umalis, maaari kang takutin, balaan, o gantihan. Batay rin sa aking karanasan, kapag pumalya ka o napanghihinaan ng loob, madalas kang ituring na “liability”, pasaway, o wala nang pakinabang ayon sa kanilang pamantayan. Madali ka na lamang itapon na parang isang gamit na wala nang halaga. Sa ganitong sistema, unti-unting nawawala ang kakayahan ng mga tao na magpasya para sa sarili. Marami ang nananatili hindi dahil gusto pa nila, kundi dahil pakiramdam nila ay wala na silang mapupuntahan.


Sa ibang dahilan naman, may mga taong napakalaki na ng kanilang naging puhunan—mga taon ng buhay, mga desisyong hindi na mababawi, at mga pagkakamaling dala-dala sa konsensiya. Kaya hindi na nila makita ang paraan upang makaalis. Hindi ito nangangahulugang tama pa rin ang kanilang pinaniniwalaan. Sa halip, sila ay naging mga bihag ng isang mapanirang siklo na paulit-ulit lamang silang nilulunod sa kabiguan.


Sa katotohanan, maraming kasapi ang matagal nang gustong bumaba ngunit hindi na nakababa nang buhay. Hindi lamang sila natatakot sa posibilidad na mahuli o mapatay sa labanan. Mas malalim ang kinatatakutan nila—ang propaganda ng partido, ang paghuhusga ng kanilang mga kasamahan, ang kahihiyan, pagkakasala sa konsensiya, at paghamak na ipapataw sa kanila kapag sila ay umalis. Ang mismong mga taong matagal nilang pinagsilbihan ang maaari pang maging unang sisira sa kanilang pangalan.


Kaya hindi tama na ipagpalagay na ang lahat ng nananatili ay naninindigan pa rin. Marami sa kanila ang nananatili dahil wala na silang nararamdamang kapangyarihan upang baguhin ang sarili nilang kapalaran.


Marahil ito ang isa sa pinakamalupit na anyo ng pagiging makasarili ng Partido. Mas madali para sa kanilang ipagpatuloy ang pakikibaka kaysa tanggapin ang katotohanang maraming buhay na ang nasayang at marami pang patuloy na nasisira. Mas madali nilang ialay ang kinabukasan ng kanilang mga kasapi, pati na ang mga pamilya nito, kaysa amining may hangganan ang ipinaglalaban nila.


Ito ang mga bagay na bihirang marinig o talakayin mula sa mga kadre at mga aktibista sa kalunsuran. Hindi nila ito ikinukuwento sa mga kabataang hinihikayat nilang umakyat sa bundok. Hindi nila sinasabi na kahit mapalad kang makababa at mabigyan ng pagkakataong magsimulang muli, hindi nangangahulugang magiging normal agad ang lahat.


Ang totoo, doon pa lamang nagsisimula ang isa pang laban.


Para sa katulad kong kabataan, habang-buhay mong dadalhin ang trauma at mga sugat na iniwan ng mga karanasan sa loob. Hindi lamang ito emosyonal. Unti-unti itong nag-iiwan ng bakas sa katawan, sa isip, at sa paraan ng pagtingin mo sa mundo. Ang katawan, o ang nervous system na matagal nang nasanay sa survival mode, ay hindi basta-bastang bumabalik sa dati. Kahit ligtas ka na, patuloy pa ring naghahanda ang isip at katawan mo sa panganib na maaaring wala na naman.


Kapag sinubukan mong bumalik bilang estudyante, hindi mo na agad maibabalik ang dati mong sarili na sabik matuto at mangarap. Kapag bumalik ka bilang anak, kapatid, o kaibigan, mapapansin mong may malaking bahagi ng sarili mo ang naiwan sa nakaraan.

Kapag nakauwi ka na, ibang tao ka na. Ang mga taong nakilala mo dati, hanggang sa pagbalik mo, kilala mo pa rin sila, ngunit may progreso na sila, nagsusumikap, o di kaya'y umunlad na. Pero ikaw, bilang dating hukbo, hindi ka na nila makikilala. Maraming mawawala sa iyo na habang-buhay mong unti-unting huhubugin muli.


Iyon marahil ang pinakamabigat na kapalit. Inialay mo ang pinakamahahalagang taon ng buhay mo sa mga taong, sa huli, ay sila rin ang nag-iwan ng pinakamalalim na sugat.

Kadalasan, hindi pa rin nawawala ang tunggalian, ang pulitika, at ang hidwaan. Kahit pinili mo nang lumayo, hindi ka pa rin lubusang bibitawan ng maling paniniwalang tinalikuran mo at ng mga taong nasa likod nito. Patuloy ka pa rin nilang susubukang hilahin pabalik at idamay sa entablado ng apoy na kanilang patuloy na sinasayawan at pinaglalaruan.



Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page