Gabriela Women's Party, kontra sa serbisyong pantao?
- Cleve Sta. Ana
- 1 araw ang nakalipas
- 2 (na) min nang nabasa

Ano ba talaga ang kinatatakutan ng Gabriela Women's Party?
Noong Hulyo 16, naghain ng reklamo sa Commission on Human Rights (CHR) ang Gabriela Partylist-Marikina laban sa 12th Civil Military Operations Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang sentro ng kanilang reklamo ay ang umano'y panliligalig at ang sunod-sunod na community outreach activities ng militar sa isang komunidad sa Marikina—mga medical mission, feeding program, pamamahagi ng ayuda, at iba pang serbisyong direktang nakararating sa mga residente.
Kung ang isang sundalo ay may dalang baril, sasabihin nilang militarisasyon. Kapag ang parehong sundalo ay may dalang gamot, pagkain, at libreng serbisyong medikal, problema pa rin ba?
Ano ba ang mali sa pagpapagamot ng mga residente nang libre? Ano ang masama sa pagpapakain sa mga batang nangangailangan? Bakit kailangang tutulan ang pamamahagi ng tulong sa isang komunidad?
Maaaring sabihin ng ilan na sapat na ang serbisyo ng lokal na pamahalaan. Kung totoo man iyon, hindi ba mas mabuti kung mas marami ang handang tumulong? Kailan naging kasalanan ang pagdadala ng karagdagang serbisyo sa isang komunidad?
Ang mas nakapagtataka ay tila hindi ang kalidad ng serbisyo ang isyu, kundi ang mismong institusyong nagbibigay nito. Matagal nang kritiko ng Armed Forces of the Philippines ang Gabriela. Karapatan nilang punahin ang militar kung naniniwala silang may nagawang mali. Ngunit ibang usapin na ang pagtutol sa mga programang ang direktang nakikinabang ay mga ordinaryong mamamayan.
Kung may paglabag sa batas o sa karapatan ng sinuman, dapat itong imbestigahan. Walang sinuman ang dapat maging malaya sa pananagutan. Ngunit ang paghahain ng reklamo laban sa mismong community outreach ay nagbibigay din ng mensahe na hindi katanggap-tanggap na ang militar ay nagbibigay ng serbisyong sibilyan.
Sa kabilang banda, ang New People's Army (NPA), ang armadong yunit ng Communist Party of the Philippines (CPP), ay hayagang naglalathala ng kanilang mga medical mission at iba pang umano'y serbisyong ibinibigay sa mga sibilyan. Ngunit bakit hindi ito kinukundena ng Gabriela at iba pang pambansa-demokratikong organisasyon bilang isang anyo ng militarisasyon?
Sa loob ng maraming taon, paulit-ulit na sinasabi ng iba't ibang militanteng organisasyon na pinababayaan ng gobyerno ang mahihirap. Ngunit kapag may ahensya ng gobyerno na lumalapit mismo sa komunidad upang magbigay ng libreng serbisyo, reklamo pa rin ang tugon. Kung gayon, ano ba talaga ang gusto nila? Mas maraming serbisyo, o mas kaunting serbisyo basta't huwag lamang manggaling sa militar?
Ang pinakamalaking talunan sa ganitong uri ng pamumulitika ng Gabriela ay hindi ang AFP, kundi ang mga pamilyang umaasa sa libreng check-up, ang mga batang nakikinabang sa feeding program, at ang mga residenteng tumatanggap ng tulong na maaaring hindi nila agad makuha sa ibang pagkakataon.
Sa halip na kondenahin ang bawat community outreach ng militar, mas makabubuting suriin ang naging resulta nito. May napagamot ba? May nabusog bang bata? May natulungang pamilya? Kung meron naman, bakit kailangang pigilan?





Mga Komento