ISPESYAL NA REPORT | Sa Panig ng Pamamaslang: Tunay na Mukha ng “Defend Mindoro”
- Mau Chaeyoung

- Sep 14
- 5 min read
Updated: Sep 14

Pagpasok ng Agusto, tuloy-tuloy na nagtamo ng pinsala ang CPP-NPA sa Isla ng Mindoro buhat ng serye ng mga engkwentro. Matapos nito, muling naglunsad ang KARAPATAN Southern Tagalog ng kampanyang tinaguriang “Defend Mindoro.”
Ang panawagan ng Defend Mindoro para sa “hustisya” ay may malinaw na kinikilingan. Hindi ito nakabatay sa kung sino ang inosente o may sala, kundi sa kung sino lamang ang kaalyado ng kilusan. Sa kanilang pananaw, ang karapatan ay hindi likas sa lahat, ngunit ito ay gantimpalang iginagawad sa mga kasamang handang mag-alay ng buhay para sa Partido.
Sa ispesyal na report, binalikan ng Kontra Kwento ang ilan sa mga kasong pagpaslang ng New People’s Army o Bagong Hukbong Bayan.
Mga Pamamaslang sa Magsasaka at Katutubo
Hindi maikakaila na responsable ang CPP-NPA sa mga brutal na pagpatay na kanilang tinagurian bilang ‘Tactical Offensive’. Ang mga sumusunod na mga insidente ay nakabatay sa mga opisyal na report mula sa 2nd Infantry Division, Philippine Army na nagdo-dokumento ng pamamaslang sa Mindoro mula 2023 hanggang 2025. Ito ang ilan sa mga halimbawa ng kanilang maruming kampanya.

Enero 26, 2023 – Sablayan, Occidental Mindoro
Tatlong kasapi ng Tao Buhid tribe—sina CAA Ruffy Avila, Solomon Puroginto, at Jolas Avila, ang umalis upang mangaso sa kagubatan ng Sablayan. Kilala ang kanilang komunidad bilang nakatira sa mga liblib na sitio sa kabundukan. Makalipas ang ilang araw, hindi na sila nakabalik.
Mula sa nakalap na impormasyon sa komunidad, lumitaw na sila ay pinarusahan ng NPA sa ilalim ng tinatawag na “Oplan Paglilinis – Base Hatol Pamamarusa”. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatagpuan ang mga labi ng dalawa.
Pinatay ng NPA ang dalawa na si Puroginto at Jolas Avila kahit na mga sibilyan ito. Si Jolas Avila ay menor de edad pa na 16 taon gulang noong pinaslang.

Pebrero 9, 2023 – Roxas, Oriental Mindoro
Isang 30-anyos na magsasaka at CAFGU volunteer ang dinukot habang nagtatrabaho sa bukid kasama ang isang menor de edad na kapitbahay. Bigla silang hinarang ng armadong grupo ng NPA na pinamumunuan umano ni Lena Gumpad alyas “Maan.”
Pinakawalan ang bata, ngunit ang magsasaka ay hindi na muling nakauwi at pinaniniwalaang pinatay nang palihim.
Matapos ang mahigit dalawang taon, noong Hulyo 28, 2025, natagpuan ang kanyang skeletal remains sa Sitio Tagaytay, Barangay San Vicente, Roxas. Agad itong isinailalim sa forensic at DNA testing upang makumpirma ang kanyang pagkakakilanlan.

Abril 3, 2023 – Barangay Iriron, Calintaan, Occidental Mindoro
Sa harap mismo ng kanyang asawa, kinaladkad palabas ng tahanan ang 19 taon gulang na si James Angeles, isang CAFGU Active Auxiliary, magsasaka, at miyembro ng Tao Buhid Mangyan tribe. Bandang hapon iyon nang salakayin ng mga pinaniniwalaang NPA ang kanilang bahay.
Si Angeles ay walang dalang armas at walang kakayahang lumaban. Siya ay pinagsasaksak hanggang sa mapatay, isang brutal na pamamaslang na nagdulot ng matinding takot sa kanilang barangay.

Abril 25, 2023 – Barangay Monteclaro, Calintaan, Occidental Mindoro
Kasunod na insidente ang pagpatay kay Pvt. Mayuay Onaw na mula sa Tao Buhid tribe. Galing siya sa kalapit na baryo kung saan bumili ng construction materials, at kasama niya ang kanyang dalawang anak at apat na lokal na residente. Pauwi na sila sa kanilang tahanan sa Sitio Mantay nang harangin sila ng pito hanggang walong armadong rebelde.
Nagkaroon ng biglaang putukan bago sila tuluyang nasakote. Tatlong kasama ang nakatakas, ngunit si Onaw, ang kanyang dalawang anak, at isa pang lokal ay piniringan at dinukot. Pagkalipas ng ilang oras, pinalaya ang kanyang mga anak at ang isang lokal. Si Onaw naman ay pinatay at iniwan ang kanyang katawan sa mismong pinangyarihan ng insidente.
Ayon sa ulat ng Army 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division, siya ay nakabakasyon noon, walang armas, at walang pormal na tungkulin, isa pang patunay na siya ay walang kakayahang lumaban.
Oplan Paglilinis – Base Hatol Pamamarusa
Ang Oplan Paglilinis – Base Hatol Pamamarusa ay nilulunsad ng CPP-NPA bilang “internal sanction campaign” na pinapairal ng tinatawag nilang “rebolusyonaryong korte.” Ngunit sa katunayan, isa itong sistematikong pamamaslang na nakatuon laban sa mga sibilyan, dating kasamahan, at mga katutubo pinagdududahan nila tumutulong sa AFP.
Karaniwang ibinabalik o binabalandra ang bangkay ng mga pinarusahan bilang mensahe ng pananakot, ngunit sa kasong ito, hindi na ibinalik ang katawan ng mga biktima, dahilan para lalo itong magdulot ng takot at pangamba sa bawat mga pamilya at buong komunidad.
Ang mga biktima ng pamamaslang na ito ay mga masa na boluntaryong naglulunsad ng ‘peace and development’ sa kanilang mga baryo. Isinasagawa ang programang ito ng mga purok o di kaya’y pinakamatatanda sa lugar upang tamasahin ang karapatan na makapag sarili at maging malaya sa kontrol ng mga CPP-NPA.
Ayon sa AFP Center for the Law on Armed Conflict (AFPCLOAC), may 289 kaso ng “willful killings” na iniuugnay sa CPP‑NPA mula 2010 hanggang 2020 — na isang uri ng paglabag sa Republic Act No. 9851 at sa Geneva Conventions. Batay sa mga press release ng 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division (2ID), Philippine Army, marami sa mga napatay ay napatunayang inosente dahil lahat ng biktima ay hindi combatant, wala sa aktwal na labanan, at walang direktang pakikilahok sa hostilities. Sa kawalan ng due process, ang mga pamamaslang na ito ay umaayon sa mga kategorya ng “willful killings” sa ilalim ng international humanitarian law.
Ang mga pamilyang naiwan ay nagdurusa sa trauma at takot, habang ang mga komunidad ay ginagawang bihag ng pananakot at paninira. Ito ay hindi hustisya kundi isang kampanya ng ganti at pamimilit upang pasunurin ang masa at mapanatili ang suporta para sa digmang bayan.
Engkwentro
Mula 2023 hanggang Setyembre 2025, naitala ng 203rd “Bantay Kapayapaan” Infantry Brigade ang 13 sagupaan sa pagitan ng militar at NPA. Sa kabuuan, hindi bababa sa 10 rebelde ang napatay at maraming armas ang narekober.
Ang mga labanang ito ay hindi simpleng giyera, ito ay sagot ng taumbayan sa pananakot ng armadong kilusan.
Hindi nakikidigma ang mga Mindoreño laban sa estado. Pinagtatanggol lamang nila ang kanilang sarili mula sa karahasang nagkukunwaring isang rebolusyon.
Defend Mindoro Bilang Tabing ng Terorismo
Mula 2024 hanggang sa kasalukuyan, malinaw ang papel ng Defend Mindoro Network bilang taga-salo ng mga nasasawing kasapi ng NPA. Sa bawat engkwentro kung saan may rebelde na napapatay, mabilis silang naglulunsad ng mga pagkilos ng Quick Reaction Team (QRT), naglalabas ng pahayag, ipinaparangal ang mga ito at tinuturing na “martyr ng sambayanan.”
Ngunit ang mga pahayag na ito ay hindi para sa mamamayang Mindoreño. Ito ay instrumentong pampulitika ng Partido upang panatilihin ang lakas-tauhan at presensya ng Komite Sentral ng CPP-NPA sa Mindoro. Layunin din nito na ipagtanggol, itaguyod, at pangalagaan ang pagpapatuloy ng mga operasyon ng NPA sa buong isla.
Sa katunayan, bawat kampanya ng CPP-NPA kasama ang mga legal na organisasyong inuugnay rito ay nagsisilbing pagsupil sa karapatan ng mga Mindoreño. Ang kanilang propaganda ay hindi nagbubukas ng kalayaan kundi lalong nagbibigkis, sapagkat alam nilang kung malaya ang taumbayan, kusa itong lalahok sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad at tatalikod sa digmang bayan.
Kaya’t ang sinumang masa o dating kasamahan na nagdesisyong kumawala sa kilusan ay agad na sinasabitan ng Partido ng tatak na “taksil” o “walang dignidad.” Isa itong malinaw na estratehiya ng pananakot at paninira, upang pigilan ang iba pang nagnanais na lumayo at pumili ng payapang pamumuhay.
Tama na ang panlilinlang. Justice begins when we stop calling murderers heroes.
Ang lahat ng impormasyong nakasaad sa ispesyal na report ay batay sa mga beripikadong ulat ng gobyerno at pinatutunayan ng mga personal na testimonya ng mga dating rebeldeng myembro ng KADRE-MIMAROPA at MIFRA ng Mindoro.





Comments