Pahayag ng KADRE MIMAROPA
- Kontra Kwento
- Jan 3
- 2 min read
Updated: Jan 6
Narito ang pahayag ng KADRE (Kapatiran ng mga Dating Rebelde) MIMAROPA:

Matapos ang masinsinang imbestigasyon ng mga awtoridad, nakumpirma ang pagkamatay ng isang kabataang estudyante sa serye ng tatlong magkakasunod na engkwentro sa Occidental Mindoro. Kinilala ang nasawing indibidwal na si Jerlyn Rose Doydora, isang Bachelor of Science in Secondary Education major in English mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), at dating General Secretariat ng Kabataan Partylist bago tuluyang sumampa sa armadong kilusan ng New People’s Army (NPA).
Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang mga personal na gamit at dokumento na nagkukumpirma sa pagkakakilanlan ni Doydora. Kabilang dito ang kanyang LBP at BPI ATM debit cards, mga larawan ng kabataan at kababaihan, mga subersibong dokumento, at iba pang personal na kagamitan. Natukoy rin sa mga dokumento ang pangalang Stephanie Jhoy Borinaga, 20 taong gulang, residente ng Sitio Pagkakaisa, Sucat, Muntinlupa, isa pang kabataang iniuugnay sa presensya ng grupo sa lugar.
Ang unang engkwentro ay naganap sa Sitio Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro, sa pagpasok ng bagong taon. Ang isinagawang strike operation ay resulta ng ulat at pagsusumbong ng isang residente sa 76th Infantry Battalion, matapos mamataan ang presensya ng mga armadong NPA na nagsasagawa umano ng pagtitipon habang nasa war footing, kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Ang impormasyong ito ay nag-ugat sa matagal nang hinaing ng komunidad hinggil sa pangingikil, pananakot, at pang-aabuso ng NPA laban sa mga sibilyan at mga lokal na mamamayan na patuloy na nagiging biktima ng armadong tunggalian. Dahil sa takot at kawalan ng proteksyon, napilitan ang mga residente na humingi ng tulong sa mga awtoridad upang mapanatili ang kanilang seguridad.
Ang sinapit ni Jerlyn Rose Doydora ay hindi maituturing na kabayanihan, kundi isang malinaw na trahedya ng radikalisasyon at panlilinlang. Tulad ng marami pang kabataan, siya ay inilayo sa kanyang pamilya at edukasyon, isinabak sa armadong labanan, at kalauna’y iniwan sa gitna ng karahasan. Pinatutunayan ng kasong ito ang patuloy at sistematikong pagrerekrut ng CPP-NPA sa mga kabataang estudyante mula sa kalunsuran, habang ang mga lokal na komunidad at inosenteng sibilyan sa kanayunan ang patuloy na napipinsala sa anyo ng takot, kawalan ng kabuhayan, at pagkawala ng buhay.
Mariing kinokondena ng KADRE MIMAROPA ang walang habas na karahasang dulot ng CPP-NPA at ang patuloy nitong pagsasamantala sa kabataan bilang kasangkapan sa armadong pakikibaka. Ang pagdanak ng dugo ng mga kabataan at ang paghihirap ng mga lokal na komunidad ay patunay na ang CPP-NPA ay hindi kumakatawan sa interes ng mamamayan, kundi sa sariling ideolohikal na adyenda. Panahon na upang wakasan ang panlilinlang, itigil ang rekrutment ng kabataan, at bigyang-daan ang kapayapaan, kaunlaran, at tunay na kinabukasan para sa susunod na henerasyon.





Comments