Kasalang bayan ng mga Former Rebels simbolo ng kapayapaan at pagkakaisa
- Damian Santillana
- Jul 21
- 1 min read
Updated: Jul 22
Ipinagdiwang hindi lamang ang pag-iisang dibdib ng mga mag-asawa kundi pati ang pagkakaisa, kapayapaan, at pag-asa sa pagbabagong buhay sa ginanap na kasalang bayang nilahukan ng 12 mag-aasawa, sampu nito ay mga dating rebelde.
Walang mapagsidlan ang ligaya at pasasalamat ng mga former rebels (FRs) na sa wakas ay ganap na silang naikasal nang legal at sa simbahan sa Camp General Manuel T. Yan Sr. sa Barangay Tuboran, Mawab, Davao de Oro, noong ika-16 ng Hulyo.
Kabilang sa mga ikinasal ay sina Ida Marie, dating kalihim ng NPA Subregional Committee 5 ng Southern Mindanao Region, at Renato Lubgoban, dating Commanding Officer (CO) ng parehong yunit; gayundin sina Lauret, dating platun medic ng Guerilla Front 56, at Rudy Anal, dating CO ng nasabing yunit.
“Ipinangako ko talaga sa sarili ko noon na magpakasal bilang pagpapatunay sa Panginoon at laluna sa sambayanan, sa kasundaluhan at kapulisan, na seryoso na talaga akong humingi ng kapatawaran,” ani Emy Catarata na ikinasal sa kanyang matagal nang kabiyak na si Dionisio Andales Catarata na dating kalihim ng NPA Subregional Committee 4.
“Sobrang nagpapasalamat kami sa walang pagod nyong pagsuporta sa aming mga FR,” ito naman ang nasambit ni Christian Pastor, dating Commanding Officer ng Guerilla Front 33. “Mula sa mga nasa kasundaluhan at laluna sa mga nasa local na gobyerno, nagpapasalamat kami sa suporta nyo para maikasal kami.”
Ang Davao del Norte at Davao de Oro—mga probinsyang kinikilusan noon ng mga FRs na lumahok ng kasal—ay tatlong taon nang nagtatamasa ng pagiging insurgency-free.






Comments