Kasinungalingan ang Pahayag ng CPP hinggil sa Naganap na Engkwentro sa Roxas, Mindoro
- Jay Dimaguiba
- Aug 23, 2025
- 3 min read
ROXAS, ORIENTAL MINDORO – Mariing kinukuwestyon ng mga dating rebelde, maging ng ilang residente ng Barangay Happy Valley, ang inilabas na pahayag ng Bagong Hukbong Bayan-Mindoro (NPA-Mindoro) hinggil sa umano’y pagdakip at “sadyang pagpaslang” kina Ka Mutya at Ka Jonnel noong Agosto 7. Ayon sa kanila, malinaw na hindi “hors de combat” ang dalawa kundi aktibong armado, at ang engkwentro ay isang lehitimong operasyon laban sa mga rebelde.

“Hindi totoo na wala siyang armas”
Sa panayam ng Kontra-Kwento sa isang dating rebelde na nag-opereyt din sa Mindoro at bahagi ngayon ng grupong Mindoro Island Former Rebels Association (MIFRA), inilahad nitong bahagi ng patakaran ng mga Pulang Mandirigma ang lagi at laging dapat may dalang armas kahit sa mga gawaing teknikal tulad ng pag-iigib ng tubig.
“Hindi puwedeng mag-igib ng walang kasama at walang dalang baril. Kaya, kung lumabas si Ka Mutya noon, tiyak na may bitbit siyang armas,” ayon sa dating rebelde.
“Sila ang unang nagpaputok”
Mismong sa opisyal na pahayag ng BHB-Mindoro, inamin nilang pinaulanan ng bala ng kasamahan ni Ka Mutya na si Ka Jonnel ang mga sundalo. Ibig sabihin, malinaw na hindi sila sumuko o nadakip, bagkus ay nakipaglaban hanggang sa huli. Kaya’t salungat ito sa kanilang sariling alegasyon na si Ka Mutya ay dinakip at tinortyur.
“Kung totoo ngang wala siyang baril, bakit may ka-buddy pa siyang armado na biglang nagpaputok? Kung nakita ng sundalo na may dalang armas ang magkasama, natural na mauuwi sa putukan, magkakaroon ng labanan. At kung gayon, hindi ito labag sa IHL, dahil lehitimong armadong labanan ang nangyari,” ayon kay Ka Basko, dating rebelde at kasapi ng MIFRA.
“Kung mayroon mang may kasalanan sa pagkamatay ng dalawa, iyon ay mga kasama nila mismo. Iniwan nila sina Ka Mutya at Ka Jonnel sa gitna ng barilan nang walang suporta mula sa main body. Bukod pa rito, hindi ninakaw ng mga sundalo ang bangkay—bagkus ay ginawa nila ang responsibilidad na pangasiwaan ito bilang pagkilala sa kaaway, isang bagay na madalas ay hindi kayang gawin ng NPA,” dagdag ni Basko.
Mapanlinlang na propaganda
Para sa mga dating rebelde, malinaw na ginagamit lamang ng CPP-NPA ang pangalan nina Ka Mutya at Ka Jonnel upang gawing propaganda laban sa militar at sa pamahalaan.
“Gusto nilang palabasin na biktima ang mga mandirigma nila, para makakuha ng simpatiya at magmukhang inaapi,” ani Ka Basko.
Dagdag pa niya, madalas nang napatunayan ng mga tao ang panlilinlang ng NPA. Sa halip na makatulong sa mga magsasaka, mas nagdadala pa sila ng takot at kaguluhan dahil ipinipilit pa rin nilang mag-operate sa mga lugar na mismong komunidad na ang tumatanggi sa kanila.
Ayon naman sa isang Facebook post ng SK Chairperson ng Roxas, nilinaw ni Sheikinah Grace Sanz na hindi sibilyan ang mga namatay, at walang de facto Martial Law sa lugar, taliwas sa unang mga pahayag ng grupong KARAPATAN-ST.
“Maraming salamat po sa ating kapulisan, kasundaluhan, lokal na pamahalaan, at sa lahat ng nakiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan sa bayan ng Roxas. Pasasalamat din lalo’t higit sa mga hindi nagpalinglang sa propaganda. Puno ng kasinungalingan, puro fake news—na kesyo may martial law sa ating bayan, na pinapatay ng militar ang mga sibilyan…” ani Sanz.
Dagdag pa niya, “Kagaya po ng paniniwala ko, hindi maling maging aktibista, ngunit sana tama lamang ang ating ipinaglalaban. Dahil ang tunay at totoong Pag-asa ng Bayan ay ang mga kabataang marunong rumespeto sa kapwa, nag-aaral ng mabuti, at higit sa lahat may takot sa Diyos.”
Panawagan para sa Kapayapaan
Ayon kay Ka Basko, ang landas ng armadong pakikibaka ay hindi kailanman nagbunga ng tunay na pagbabago kundi nagdulot lamang ng takot, kagutuman, at pagkawasak ng mga pamilya.
“Matagal naming inisip na ang paghawak ng armas ang magiging sagot sa kahirapan, ngunit napatunayan naming wala itong naidudulot kundi higit na pagdurusa. Ngayon, pinili ko na ang kapayapaan at pagbabalik-loob sa pamahalaan. Ako’y nananawagan sa aking mga dating kasama: bumaba na kayo mula sa bundok, talikuran ang dahas, at yakapin ang pagkakataong magsimula muli. Nariyan ang ating pamahalaan at mga komunidad na handang magbigay ng suporta, magpatawad, at tumulong,” ani Basko.
Dagdag niya: “Ang tunay na lakas ay hindi nasusukat sa dami ng bala o sa tagal ng digmaan, kundi sa pagkakaisa ng mga mamamayan. Nawa’y piliin natin ang kapayapaan alang-alang sa ating pamilya, sa ating mga anak, at sa mas maliwanag na kinabukasan ng Mindoro at ng buong bansa.”





Comments