Kasunod ng Leyte, Zamboanga school shootings, Buklod Kapayapaan sinuportahan ang anti-terror grooming bill
- Jhenelyn Cruz

- 4 minuto ang nakalipas
- 2 (na) min nang nabasa

MANILA — Sinuportahan ng Buklod Kapayapaan Federation Inc. (BKFI) ang panukalang Terror Grooming and Radicalization Prevention Act, kasabay ng panawagang palakasin ang mga hakbang upang mapigilan ang pagkalantad ng kabataan sa karahasan at radikalisasyon.
Sa pahayag nitong Agosto 19, binanggit ng grupo ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, kung saan tatlong estudyante ang napatay at mahigit 20 ang nasugatan.
Sinundan ito ng insidente sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School noong Agosto 18. Isang estudyante ang napatay bago binaril ng Grade 9 na suspek ang sarili. Dalawa pa ang naiulat na nasugatan.
Hindi tuwirang iniugnay ng BKFI ang dalawang pamamaril sa terorismo o radikalisasyon. Gayunman, sinabi ng grupo, na binubuo ng mga dating miyembro ng New People’s Army, na ang karahasan ay kadalasang may prosesong nauuna rito, kabilang ang pagkalantad sa mararahas na ideya, manipulasyon, at panghihikayat.

Dahil dito, nagpahayag ang BKFI ng suporta sa panukalang batas na naglalayong tugunan ang “terror grooming,” o ang sinasadyang sikolohikal, ideolohikal, o emosyonal na manipulasyon upang ihanda ang isang tao, lalo na ang isang bata, sa terorismo o marahas na ekstremismo.
Sa ilalim ng panukala, aatasan ang mga paaralan na magpatupad ng prevention at intervention programs, gayundin ng mga mekanismo sa maagang pagtukoy, pag-uulat, at pagtugon sa posibleng grooming at radicalization. Saklaw din nito ang paggamit ng online platforms, encrypted groups, at iba pang digital spaces sa panghihikayat sa kabataan.
Binigyang-diin naman ng BKFI na hindi dapat ituring ang panukala bilang kapalit ng responsableng pagmamay-ari ng baril, mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan, mental health support, at mas maayos na pagpapatupad ng umiiral na firearms laws.
Dapat ding alamin, ayon sa grupo, kung paano nakakuha ng mga armas ang mga menor de edad at kung paano naipasok ang mga ito sa loob ng mga paaralan.
Itinampok din ng BKFI ang mga safeguard sa panukalang batas. Hindi nito ginagawang krimen ang lehitimong paniniwalang pampolitika, panrelihiyon, o ideolohikal maliban kung may malinaw na pag-uudyok sa terorismo o karahasan ayon sa itinakda ng batas.
Iginiit din ng grupo na ang mga batang na-groom o na-radicalize ay dapat munang ituring na mga biktimang nangangailangan ng rehabilitasyon at reintegrasyon, sa halip na agad na tratuhing mga kriminal.
Nanawagan ang Buklod Kapayapaan sa Kongreso na masusing pag-aralan at palakasin ang panukala habang tinitiyak ang paggalang sa constitutional rights, due process, child protection, at evidence-based prevention.
Para sa grupo, hindi sapat na tumugon lamang kapag may nahawakan o naiputok nang armas. Kailangang matukoy at maputol ang mga prosesong maaaring magdala sa kabataan tungo sa karahasan bago pa mahuli ang lahat.





Mga Komento