‘Makatutulong ang rice importation ban sa mga magsasakang tatapat ng Setyembre ang anihan’
- Damian Santillana
- Aug 18
- 2 min read
NUEVA ECIJA—Si Marlon Delerio ay isang dating kasapi ng Communist Party of the Philippines na nagbalik-loob na sa gobyerno at kasalukuyang Chairman ng Farmers Nampicuan Association, isang people’s organization sa Nueva Ecija. Aniya, sa mahal ng mga gastusin sa pagsasaka tulad ng punla at abono ay umabot ng P100,000 ang kanyang gastos para sa dalawang ektarya ng palay, habang P200,000 lamang ang kanyang kinita dahil walong piso lamang ang bili sa isang kilo ng palay noong buwan ng Mayo.
“Pagkatapos ibawas ‘yung pangkabuuang gastos sa pangkabuuang kita, hahatiin namin ‘yun nung namamahala sa bukid, tapos ‘yung mapupunta sakin paghahati-hatian pa namin ng mga kapatid ko. Bale sampung libo na lang ‘yung makukuha ng pamilya ko, tapos meron pa akong anim na anak,” saysay ni Delerio.
“Kaya malaking tulong din ‘yung tigil-angkat kasi ngayon pa lang umakyat na sa 12 pesos ang kilo ng palay. Kaso sa katapusan pa ng Setyempre umpisa ng pag-aani ko. Sana makahabol.”

Maalalang ipinag-utos ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. noong ika-6 ng Agosto ang 60 araw na suspensyon sa pag-aangkat ng bigas simula unang araw ng Setyembre.
Nang tanungin kung ano ang pinaka-ideyal na presyo ng palay mula sa magsasaka, aniya “Pinaka-nakabubuhay talaga nasa 18 hanggang 21 pesos para mabawi ang puhunan, sapat para sa susunod na taniman, at makabubuhay ng pamilya.”
Sang-ayon naman dito si Patricio Nadong alias Tay Chris, dating kadre ng New People’s Army at ngayo’y aktibong kumiklos sa ilalim ng Kalinaw Southeastern Mindanao Region, isang pederasyon ng mga dating rebelde na nagsusulong ng kapayapaan.
Aniya, pinakamainam pa rin sana na ibalik ang regularisasyon o kontrol ng pamahalaan sa industriya ng palay. “Sana ibalik nila ang pagtatakda ng buffer price para maprotektahan ang mga magsasaka mula sa mga abusadong rice traders na sobrang binabarat ang mga magsasaka.”
Dagdag pa niya, kailangan ding buwagin ang sistemang cartel sa palay na isa sa mga dahilan kung bakit mababa ang bili sa palay ng mga magsasaka; at pagsuporta ng pamahalaan sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng mga ayuda at modernisasyon ng agrikultura.
“Kung masusuportahan ng pamahalaan ang mga lokal na magsasaka, mapapangibabawan ng mga magsasaka ang mga problema tulad ng bagyo, tagtuyot, at gastos sa teknolohiya. Mas matatapatan natin ang mga bansa na nag-aangkat sa atin ng bigas.”
Sang-ayon si Delerio at Tay Chris na maaaring samantalahin ng mga rice traders ang import ban para pataasin ang presyo ng bigas sa merkado.
“Kaya nga dapat sana talaga bantayan itong mabuti ng pamahalaan. Kung totoo ang sinasabi ng DA [Department of Agriculture] na mayroon tayong sapat na bigas ay dapat hindi tataas ang presyo ng bigas sa panahon ng import ban,” ani Tay Chris.





Comments