“May Pag-asa sa Pagbabago” Kwento ni Ka Aryo, Dating Rebelde na Pinili ang Kapayapaan
- Jay Dimaguiba
- Jul 19
- 4 min read
Updated: Jul 20
INFANTA, QUEZON - Sa panibagong kabanata ng kanyang buhay, si Ka “Aryo”, isang dating rebelde na higit dalawang dekada ring kumilos sa mga kabundukan ng Mindoro, ay nagsisilbing matibay na patunay na kailanman ay hindi huli ang lahat para sa pagbabago.
Si Arnulfo kilala bilang “Ka Aryo” at “Ka Inog” ay isang mataas na kadre sa loob ng kilusan na kalaunay naging surrendered rebel. Kanyang pinili ang daan ng kapayapaan at pag-unlad sa tulong ng pamahalaan.

Ngayong 61 taong gulang, mula sa pagbabalik loob sa gobyerno, si Ka Aryo ay kasalukuyang isa sa mga aktibong aplikante ng Amnestiya; isang mahalagang hakbang sa kanyang personal na rehabilitasyon at re-integrasyon sa lipunan. Ang kanyang kwento ay nagiging inspirasyon sa marami at maganda ring halimbawa para sa mga dati niyang kasamahan na nananatili pa rin sa kilusan.
Ang Mahabang Landas ng Pakikibaka
Hindi naging madali ang daang tinahak ni Ka Aryo. Sa loob ng mahigit dalawampung taon sa armadong kilusan, nanilbihan siya bilang Political Instructor at Political Officer ng isang yunit ng NPA sa Mindoro. Ayon kay Aryo ay nakapaloob siya sa paglangoy sa Tubig ng Aque sa ilalim ng MAV. Ang unit ng MAV ay sumasakop sa erya ng mga katutubong Buhid-Mangyan na sumasaklaw ng operasyon sa mga bayan ng San Jose, Mansalay, Roxas, Bongabong, at Rizal.
“Isang malaking bahagi ng buhay ko ang ginugol ko sa kilusan. Sa loob ng maraming taon, naniwala ako na iyon ang tamang paraan para ipaglaban ang kapakanan ng mga maralita at ng mga katutubo. Pero habang lumilipas ang panahon, unti-unting nagbago ang pananaw ko,” ani Ka Aryo habang inaalala ang madilim na yugto ng kanyang buhay sa kilusan.
Pagbukas ng Kamalayan: Paghahanap ng Tunay na Layunin
Dahil sa matagal na pagkilos, nasaksihan ni Ka Aryo ang mga pagbabagong nangyayari sa lipunan. Unti-unti niyang naunawaan ang tunay na layunin ng paglilingkod: ang pagkakaisa ng sambayanan. “Napagtanto ko na hindi kapwa Pilipino ang tunay na kaaway. Magkaiba man tayo ng pananaw o ideolohiya, iisa ang gusto nating lahat, ang maipagtanggol ang ating bayan, lalo na laban sa mga banta mula sa labas ng ating bansa tulad ng Tsina,” ani Ka Aryo.
“Kaya't nang inabot ng gobyerno ang kanilang kamay, pinili kong sumama sa landas ng kapayapaan,” Ani ni Ka Aryo. “Pinili kong magbalik-loob at pinili ko ang tunay na kapayapaan kaysa sa walang katapusang labanan.”
Ang Hakbang Patungo sa Pagbabago
Ang desisyon ni Ka Aryo na sumuko ay bunga ng matagal na proseso ng pag-iisip at pagninilay. Hindi siya basta-basta bumitaw sa dati niyang kinagisnan, ngunit dahil sa nakitang sinseridad ng gobyerno sa pagbibigay ng bagong pag-asa sa mga rebelde, nabuong muli ang kanyang lakas ng loob at nabuhayan ng pag-asa na bumuo ng bagong buhay.
“Hindi kami pinabayaan. Sa ilalim ng pangangalaga ng gobyerno, binigyan kami ng maayos na tulugan, pagkain, at serbisyong medikal. May mga programa kaming sinalihan tulad ng FR Summit, YSL Summit, at mga seminar tungkol sa pagbabagong-loob. Isa sa pinakaespesyal na karanasan ko ay ang maimbitahang magbahagi ng kaalaman sa mga kadete ng PMA tungkol sa aking karanasan sa kilusan,” pagbabahagi ni Ka Aryo.
Dagdag pa niya, bagamat wala pa siyang natatanggap na direktang pinansyal na benepisyo, nakita niya kung paano nabago ang buhay ng ilan sa kanyang mga kasamahan. “Yung mga dating kasama ko — sina Alia, Job, at Peter na nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho, makapag-aral, at makabalik sa normal na pamumuhay. Masaya akong nakikita iyon at umaasa akong susunod din ako sa yapak nila.”
Amnesty: Isang Pagkakataon para Muling Bumangon
Isa sa pinakamahalagang bahagi ng kanyang pagbabalik-loob ay ang pagsumite ni Ka Aryo ng aplikasyon para sa amnestiya, isang proseso na maaaring magbigay sa kanya ng legal na tulong upang malinis ang mga kasong may kaugnayan sa kanyang pagkilos bilang rebelde.
“Nakumpleto ko na ang proseso ng aplikasyon sa amnestiya at kasalukuyan ay pinoproseso na din ito ng mga ahensya ng pamahalaan. Malaki ang tiwala ko na sa tulong ng amnestiya, mapapawalang-sala ako sa mga kasong dala ng akin dating pagkilos at makapagsisimula ng panibagong buhay,” aniya.
Para kay Ka Aryo, ang amnestiya ay hindi lamang isang legal na dokumento. Ito ay isang pangako ng bagong kinabukasan, isang tulay patungo sa mapayapang pamumuhay, at isang konkretong simbolo ng pagbabago.
Bagong Simula, Bagong Pangarap
Bagamat nasa senior citizen na si Ka Aryo, hindi iyon naging hadlang para sa kanya upang mangarap para sa sarili at sa kanyang pamilya. “Gusto ko talagang makapagsimula ng maliit na sari-sari store dito sa Infanta para kahit papaano ay may panggastos sa araw-araw. Hindi rin ako titigil sa paghahanap ng mapapasukan kahit senior na ako,” aniya.
Isa rin sa mga ambisyon ni Ka Aryo ang maging tagapaglingkod sa komunidad bilang Barangay Councilor. Naniniwala siya na ang kanyang karanasan ay maaaring makatulong sa pagbibigay ng tamang perspektiba sa mga usapin ng kapayapaan at kaunlaran sa kanilang barangay.
“Gusto kong makatulong sa komunidad, maging ehemplo na kahit anong edad o anong pinagdaanan, puwedeng magsimulang muli. Sana sa simpleng paraan, makatulong ako sa pag-unlad ng aming lugar,” dagdag niya.
Mensahe ng Pag-asa sa mga Dating Kasamahan
Sa dulo ng panayam, buong tapang na nawagan si Ka Aryo sa mga kasamahan na nananatili pa sa kabundukan.
“Mga kasama, hindi pa huli ang lahat. Ang pagbabalik-loob ay hindi kahinaan, kundi isang hakbang ng katapangan para sa sarili, sa pamilya, at sa bayan. Ang amnestiya ay tunay na daan upang makapagbagong-buhay. Huwag na nating sayangin ang pagkakataon. Masarap mabuhay nang malaya, malinis ang pangalan, at kasama ang pamilya. Ang kapayapaan ay hindi lamang para sa atin, kundi para sa susunod na henerasyon.”
Isang Buhay na Patunay ng Pagbabago
Si Ka Aryo ay isa lamang sa mga dating rebelde na tumahak na sa landas ng pagbabago. Ang kanyang kwento ay malinaw na patunay na sa tulong ng gobyerno, mga reporma, at pagkakaisa ng komunidad, ay posible ang makapagsimula muli. Posible ang kapayapaan at posible ang bagong pag-asa.





Comments