top of page

Mula kabundukan tungong silid-aralan

  • Writer: Mau Chaeyoung
    Mau Chaeyoung
  • Jul 24
  • 2 min read

DAVAO DEL NORTE—Mula sa mahigit isang dekadang pakikibaka sa kabundukan tungo sa silid-aralan — ito ang makabuluhang landas na tinahak ni Bernabe Cañon, dating deputy secretary ng Regional Ordnance Group (ROG) sa ilalim ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) ng CPP-NPA-NDF.


ree


Kilala noon bilang “Ka Delmar,” si Cañon ay isa nang huwarang ehemplo ng pagbabalik-loob sa pamahalaan at muling pagyakap sa edukasyon. Para sa kanya, ito ang tunay na daan patungo sa kapayapaan at mas maliwanag na kinabukasan para sa kanyang pamilya.



“Bilang taos-pusong hakbang ng pagbabalik-loob, sumuko ako sa gobyerno. Wala na akong nakitang dahilan upang manatili pa sa kilusan. Madilim ang kinabukasan doon, hindi lamang para sa akin kundi pati na rin sa aking pamilya,” pahayag ni Cañon.


Mula Rebolusyon, Patungong Pagbabago



Malaki ang pangarap ni Cañon noon, hindi lamang para sa sarili kundi para sa bayan. Inakala niya na makakamit ito sa pamamagitan ng armadong rebolusyon. Kaya't pinili niyang humawak ng armas at tahakin ang landas ng pakikidigma. Ngunit sa kalaunan, ang mismong mga karanasan sa kilusan ang nagturo sa kanya ng isang mapait na katotohanan.



“Naniwala ako na ang CPP-NPA-NDF ang tutulong sa taumbayan para baguhin ang lipunan. Akala ko’y makakabuti ito sa kabuhayan ng masa. Pero hindi. Sa halip, lalo lang silang naghirap,” aniya.



Matagal na nanindigan si Cañon, ngunit sa kabila ng kanyang pagnanais na matuto, hindi niya ito natagpuan sa kanyang pakikibaka. Sa halip, ang itinuro sa kanya ng kilusan ay lumaban sa pamahalaan, isuko ang pamilya, at kalimutan ang sarili.



Dahil sa buong pusong pag-aalay ng panahon sa kilusan, nakaligtaan niya ang halaga ng tunay na edukasyon. Ngunit nang siya ay nagbalik-loob, muling nag-alab ang kanyang pagnanais para sa mag-aral.



“Pumasok ako sa Alternative Learning System (ALS) upang mapaunlad ang aking kaalaman. Nagtapos ako ng Grade 10 ngayong taon… Hangad ko talaga na mapagpatuloy ang aking pag-aaral at magkaroon ng pangmatagalang kabuhayan upang masuportahan ang aking pamilya,” saad ni Cañon.


ree

ALS: Tulay Patungo sa Panibagong Simula



Para kay Cañon, ang tunay na kayamanan ay ang kanyang naging karanasan bilang mag-aaral. Buong sigla niyang hinaharap ang bagong yugto ng buhay, kasama ang pag-asa na makamit ang tagumpay at matamasa ito kasama ang pamilya. Ito ang kanyang munting ambag bilang inspirasyon sa lipunan at sa mga mamamayan na nais niyang paglingkuran.


“Hindi ko malilimutan ang aking karanasan sa ALS. Tuwing may exam, palagi akong kinakabahan. Kung papasa ba ako o hindi. Pero lahat ng aking pangamba ay napalitan ng galak noong araw ng graduation. Puno ng masasayang alaala ang pagtatapos ko, kasama ang aking mga guro at kaklase,” pagbabahagi ni Cañon.



Panawagan para sa Kabataan


Ayon kay Cañon, ang tunay na pag-asa ng bayan ay ang kabataang nagtatapos ng pag-aaral para sa kaunlaran at hindi sa digmaan. Dito niya naunawaan ang halaga ng edukasyon. Sa huli, nanawagan si Cañon sa mga kabataang estudyante:



“Magsikap kayong mag-aral at magtapos. Karunungan ang sandata upang hindi tayo malinlang ng maling paniniwala. Itakwil natin ang CPP-NPA-NDFP na sumisira sa ating kinabukasan. Kasama sa pagtupad ng inyong mga pangarap ay ang pagtupad din ng pangarap ng inyong mga magulang at ng sambayanang Pilipino.”


ree

Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page