‘Nakaka-inspire’ – kawani ng gobyerno sa isang seminar kasama ang mga former rebel
- Damian Santillana
- Nov 27
- 2 min read

Sa totoo, hindi naman unang beses ni Joane A. Pilo, isang kawani ng Department of Trade and Industry (DTI), na makakita ng mga dating miyembro ng New People’s Army. Ngunit noong araw na iyon masasabi nyang unang pagkakataon na makihalo-bilo sya, at hindi nya mawari ang kanyang madarama.
Ika-20 ng Nobyembre nang magbigay si Pilo, business counsellor mula sa DTI, Davao del Norte Provincial Office, ng isang libreng seminar sa mga former rebels (FR) at kasapi ng Kalinaw Southeastern Mindanao, Inc. (Kalinaw SEMR) sa Balay Panaghiusa, isang halfway house ng mga FR sa Asuncion, Davao del Norte. Layunin nitong magbigay kaalaman sa mga kalahok hinggil sa mga batayang konsepto sa pagnenegosyo tulad ng business regulations, consumer rights at entrepreneurial mind setting.
“Ang tingin ko sa mga rebelde noon mga pasaway, barumbado at hindi nakapag-aral,” ani Pilo. “Napaka-negatibo talaga ng pagtingin ko sa kanila noon.”
Nahalata naman ng mga FR ang takot mula ke Pilo sa umpisa ng seminar, bagay na hindi nila minasama bagkus ay ginamit bilang oportunidad upang makipagkilala.
“Hindi naman na bago sa amin ‘yung ganoong reaksyon, ‘yung matakot, kung hindi pa nakakita ng NPA,” ani Ida Marie Lubguban, presidente ng Kalinaw SEMR. “Syempre tungkulin na lang din natin na magpaliwanag kung ano ba kami noon, ano iyong ipinaglalaban namin noon, at kung bakit kami nag-surrender at pumili ng landas ng mapayapang pakikibaka ngayon.”
Nagbahagi ang mga FR ng maikling karanasan at buhay nila. Sa pagtakbo ng seminar, makikita ang unti-unting paggaan ng daloy ng diskusyon at ang pagdalas ng tawanan sa pagitan ni Pilo at ng mga FR.
“Sa pakikinig ko sa mga naging experience nila, nasagot na ‘yung mga katanungan ko at naunawaan ko na kung ba’t sila nasali sa ganoong kilusan,” saysay ni Pilo. “Sa totoo lang nakadama ako ng pagka-proud para sa kanila at na-inspire na rin mula sa mga sakripisyo at katapangan nila.”

Nang matapos ang seminar, binigyan ang 20 kalahok ng mga sertipiko. Tinatayang hindi ito ang magiging huling pagkikita nina Pilo at ng DTI at ng mga FR dahil nagplano rin sila ng susunod na mga aktibidad para sa Kalinaw SEMR.
“Ako bilang empleyado ng DTI ay handang magbigay ng tamang programa at serbisyo sa inyong [mga FR] dahil ang mandato sa DTI ay lahat tayo’y dapat magkaroon ng oportunidad na umunlad at maging successful at walang mapag-iwanan,” pagtatapos ni Pilo.





Comments