“No Excuses, Only Questions” — Dating NPA Cadre, Tumutol sa Propaganda tungkol kay Charlize “Ka Kaye” Garzon
- Xandro Marko Leandro Montero
- 3 minutes ago
- 3 min read
San Jose, Occidental Mindoro — Si Charlize Garzon, na kilala sa NPA alias na “Ka Kaye”, ay opisyal na nahaharap sa murder charge kaugnay ng pagkamatay ni 1st Lt. Dean Buen Oyando sa engkwentro noong March 29, 2026 sa Sitio Salafay, Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro.
Kasalukuyang nasa kustodiya si Garzon sa San Jose Municipal Police Station. Ang kaso ay direktang bunga ng 20 minutong labanan kung saan nasawi si Lt. Oyando habang pinamumunuan ang pursuit operations laban sa humigit-kumulang 15 armadong NPA.
Ayon sa 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division, sadyang hindi inilabas ng militar ang pagkakakilanlan at litrato ni Garzon upang protektahan ang kanyang karapatan at personal na dignidad, kahit na siya ay nahuli sa aktibong armadong engkwentro.
Sa pahayag ni Col. Michael Aquino, Chief ng 2nd Division Public Affairs Office:
“Even if a person has taken up arms against the government, that does not mean we strip them of their basic rights and dignity. As soldiers, we are duty-bound to respect human rights at all times.”
Idinagdag niya na nakababahala na ang mga grupong tulad ng KARAPATAN ang mabilis na naglabas mismo ng litrato at impormasyon ni Garzon para sa propaganda, habang ang militar ay nagpigil upang igalang ang batas at humanitarian principles.
Mariin namang pinabulaanan ng San Jose Municipal Police Station ang paratang ng ina ni Garzon na si Mayi Garzon na hindi raw pinayagan makita ang kanyang anak.
Ayon sa opisyal na pahayag at bidyo na inilabas ng MPS, pinayagan ang ina at kapatid ni Garzon na makapasok sa himpilan upang personal na alamin ang kalagayan ng detained. Gayunpaman, sila mismo ang hindi tumuloy sa pakikipag-ugnayan sa loob ng istasyon.
“Itinatanggi rin namin ang paratang ng pananakot o harassment,” ani ng San Jose MPS. “Lahat ng aming aksyon ay isinasagawa nang may paggalang sa karapatang pantao at alinsunod sa batas.”
Hindi lamang ang militar at pulisya ang nagsalita. Si Noel Legaspi, tagapangulo ng Buklod Kapayapaan Federation Inc. at kadre ng CPP-NPA, ay nagbigay din ng kanyang pananaw sa isang Facebook post.
Ayon kay Legaspi, hindi ang tanong kung miyembro ba talaga ng NPA si Garzon ang mahalaga. Ang hindi maitatanggi ay naroon siya sa mismong lugar ng armadong engkwentro kasama ang NPA.
“Bakit siya naroon sa unang lugar? Sino ang nagpadala sa kanya? Sino ang nagbigay ng clearance? Sino ang may pananagutan sa paglalagay sa kanya sa ganitong peligro?”
Bilang dating rebelde, binigyang-diin ni Legaspi na sa loob ng NPA, “everyone is a soldier” — walang tunay na pagkakaiba sa pagitan ng “cultural worker,” “aktibista,” o combatant. Lahat ay nasa ilalim ng disiplina at panganib ng armadong grupo.
Tinanong din niya ang mga organisasyong kaalyado ng CPP:
“Kung ang layunin raw niya ay ‘genuine’ na pagtugon sa problema ng lipunan, bakit kailangang isama siya sa NPA-controlled area? Sino ang nag-coordinate? Sino ang may pananagutan kung sakaling may mangyari sa kanya?”
Sa halip na sisihin ang mga sundalong nagligtas sa buhay ni Garzon, nanawagan si Legaspi na magpasalamat na nabuhay siya at may pagkakataon pang magbago.
“Sa halip na akusahan ang estado, dapat tanungin ang mga nagpadala sa kanya sa panganib. Si Ceeka ay isa pang biktima ng papalipas na digmaan ng CPP-NPA-NDF.”
Habang patuloy ang imbestigasyon sa murder charge laban kay “Ka Kaye” Garzon, malinaw ang mensahe ng pulisya, militar, at mga dating rebelde: ang katotohanan ay hindi maitatago ng propaganda. May ebidensya, may pananagutan, at may mga tanong na kailangang sagutin — hindi ng militar o pulisya, kundi ng mga naglagay kay Garzon sa gitna ng armadong tunggalian.
Hinihikayat ang publiko na maging mapanuri sa kumakalat na impormasyon at suportahan ang mga pagsisikap tungo sa tunay na kapayapaan sa Mindoro.





Comments