top of page

OP-ED | Bukas na Isipan at Sama-samang Pagkilos: Pagtugon sa Krisis ng Pilipinas

  • Writer: Jay Dimaguiba
    Jay Dimaguiba
  • Dec 3, 2025
  • 3 min read

Sa kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas, matindi ang krisis, malawak ang kahirapan, at talamak ang katiwalian. Sa kabila nito, nananatiling fragmented ang sambayanang Pilipino. Iba’t ibang paniniwala, layunin, at pamamaraan ang umiiral, kaya’t mahirap makabuo ng kolektibong pagkilos para sa makabuluhang pagbabago. 



Ayon sa pananaw ng mga dating rebelde, isang mahalagang salik sa pagkakawatak-watak ng mamamayan ay ang armadong pakikibaka at komandismo ng pambansa-demokratikong kilusang pinamumunuan ng CPP. Madalas nitong ipinipilit ang sariling agenda kahit hindi ito sumasalamin sa totoong pangangailangan ng masa, habang pinalalabas ang sarili bilang natatanging tagapagdala ng laban ng masa.

Sa usapin ng reporma at ng pamamahala, ang mga dating rebelde ay may natatanging perspektibo sapagkat nasaksihan nila ang parehong positibo at negatibong aspeto ng pamahalaan. Nakita nila hindi lamang ang kakulangan at katiwalian kundi pati ang potensyal ng reporma at serbisyong makabuti sa komunidad. Dahil dito, mas may kakayahan silang mag-imagine ng reporma kaysa noong sila ay aktibong kasapi ng kilusan, kung saan sarado ang isipan sa ganitong uri ng pagbabago.



Isang konkretong halimbawa nito ay ang mga FR Summit sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Pinamumunuan at inoorganisa ang mga summit na ito ng masa, at binibitbit ng mga dating rebelde bilang tagapag-facilitate. Dito, ang komunidad ang may boses sa pagbuo ng mga plano at aktibidad para sa kanilang sarili sa harap ng iba’t-ibang mga ahensya ng gobyerno maging ang kasundaluhan at kapulisan, bilang mga partners. Ipinapakita nito ang alternatibong paraan ng pakikibaka: hindi sa armas kundi sa aktibong pakikilahok sa reporma at serbisyong pangkomunidad, at pagdidirihe sa local na gobyerno.



Mahalagang maunawaan na, sa kabila ng galit at pagkondena ng masa sa katiwalian, hindi ninanais ng masa na makilahok sa armadong pakikibaka. Karamihan ay nagnanais ng pagbabago at kapayapaan, at hindi handang isugal ang buhay at kabuhayan sa digmaan. Sa ganitong konteksto, malinaw ang pagkakaiba ng layunin ng kilusan at ng masa: pinipilit ng kilusan ang armadong pakikibaka, samantalang ang masa ay mas pragmatiko, at nagnanais ng pagbabago sa pamamagitan ng reporma at kolektibong pagkilos.




Sa huli, malinaw na ang armadong kilusan ay hindi kayang mamuno sa masang Pilipino. Ang aktibong miyembro ng kilusan ay napakaliit kumpara sa populasyon; ayon sa NTF‑ELCAC at AFP, humigit-kumulang 700–1,100 ang aktibong combatants ng CPP‑NPA‑NDF sa kasalukuyan, o humigit-kumulang 0.0006%–0.001% ng kabuuang populasyon ng bansa. Sa ganitong proporsyon, halos wala ang kanilang presensya sa pang-araw-araw na buhay ng nakararami. 

Sa loob ng higit limang dekada, nanatiling nakapokus ang kilusan sa tactical defense at self-preservation at hindi ang pagdadala sa mga laban ng sambayanan labas sa digmaan. Hindi nila nakamit ang malawakang suporta o aktibong pamumuno sa masa, taliwas sa binabandera nila tungkol sa papel nila sa lipunan at “Rebolusyong Pilipino.” Maraming aksyon ng mamamayan sa lokal at pambansang antas ang spontaneous at independent sa kilusan, at madalas sumusunod lamang ang kilusan sa ganitong mga kaganapan, imbes na manguna o magbigay ng tunay na direksyon.



Bukod dito, ang masa ay may sariling pangangailangan—edukasyon, kabuhayan, kaligtasan, at reporma—na hindi kayang tugunan ng kilusan sa kanilang armadong estratehiya. Dahil dito, ang tunay na pagbabago ay nakasalalay sa kolektibong aksyon ng masa, bukas na pakikilahok sa komunidad, at reporma, at hindi sa baril o maliit na grupo ng combatants. Ang mga dating rebelde, sa pamamagitan ng kanilang karanasan at pakikilahok sa komunidad, ay nagsisilbing tulay sa mas inklusibong reporma, na tumutugon sa pangangailangan ng masa, nagtataguyod ng kapayapaan, at nagtataguyod ng pagkakaisa sa kabila ng krisis, kahirapan, at katiwalian.



Sa ganitong pananaw, malinaw na ang kapayapaan at reporma, at hindi armadong pakikibaka, ang pinakamabisang tugon sa pagkakawatak-watak ng bansa at sa pangmatagalang pagbabago ng lipunan. At dito, nagpupunyagi ang mga dating rebelde bilang pagwawasto, hindi lamang ng pansariling laban nila sa personal buhay, kundi bilang positibong elemento sa pagbabago ng Lipunang Pilipino.

Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page