
OP-ED | Nakakabinging Katahimikan: Digmaan ng NPA Laban sa Sibilyan
- Jay Dimaguiba
- 2 days ago
- 4 min read
Ang patuloy na pagpatay ng New People’s Army (NPA) sa mga sibilyan ay hindi lamang nakakabahala, ito ay nagpapakita ng marahas at unti-unting nabubulok na pulitika at kultura sa loob mismo ng kilusan. Sa iilang rehiyon ng Pilipinas kung saan may nalalabi pang mga unit ng NPA, malinaw ang padron ng sistematikong pag-atake sa mismong mga komunidad na sinasabi ng CPP-NPA na kanilang pinaglilingkuran.
Sa pinagsamang mga ulat ng AFP at mismong pahayag ng NPA, mula 2010 hanggang 2020, makikitang may hindi bababa sa 289 na dokumentadong insidente ng pagpaslang na isinagawa ng CPP-NPA, kung saan 373 ang naging biktima. Sa bilang na ito, halos 300 ay sibilyan, marami sa kanila binansagang “ahente ng estado” o “traydor ng kilusan.” Lalo pa itong lumubo mula nang dumami ang mga nagbalik-loob sa pamahalaan bunsod ng Executive Order No. 70, patunay na sadyang ginagamit ng CPP-NPA ang karahasan bilang sandata ng pananakot upang pigilan ang pagsuko, supilin ang pagdududa sa loob ng hanay, at panatilihin ang kontrol sa mga komunidad sa pamamagitan ng takot, hindi ng boluntaryong suporta.
Sa Negros Island, iniulat na hindi bababa sa 25 katao ang pinatay ng NPA mula nang magsimula ang taong 2025. Patuloy ang serye ng mga pamamaslang, ngunit kapuna-puna ang halos kawalan ng pagtutol mula sa mga tinaguriang tagapagtanggol ng karapatang-pantao, maging sa mga ahensya ng gobyerno.

Nag-iiba man ang bilang depende sa pinagmumulan, hindi maikakaila ang karahasang nakatutok sa mga sibilyan sa matagal nang apektadong lugar ng insurhensiya.
Ang mekanismo ng “Linis-Base” at Pag-atake sa sibilyan
Ibinunyag ng mga former rebel (FR) sa isang rehiyon na sa kanilang kalakaran noon, sapat na ang simpleng hinala para mailagay ang isang tao sa Standing Order (SO) ng NPA. Sinumang maparatangang “intel” ng militar, nakikipagtulungan sa sundalo, o nakikilahok sa mga programa ng gobyerno ay agad tinatatakan bilang “taksil sa rebolusyon.” Sa ganitong baluktot na pamantayan, kahit simpleng pakikipag-usap sa isang opisyal ng pamahalaan ay maaaring maging dahilan ng isang “sentensya.”
Ang mga pamamarusang ito ay bahagi ng kampanyang “linis-base” ng CPP-NPA—isang marahas na paraan upang patahimikin ang mga nagdududa, tumatalikod, o nakakaimpluwensya ng iba na lumayo sa kilusan. Pagkatapos ng bawat engkwentro, kadalasang ibinibintang ng CPP-NPA ang insidente sa mga pinagdududahan nilang residente at sinasabing sila ang naging dahilan bakit nagkaroon ng sagupaan. Mula rito kinukuha ang batayan para parusahan sila, kahit hindi pa malinaw ang pinanggalingan.
Dispalinhado at Mapanganib na “Proseso”
Ang higit na nakababahala ay ang tinatawag nilang “proseso ng imbestigasyon” na, batay sa testimonya ng mga FR, umaasa lamang sa kalakhan sa hindi napapatunayang testimonya ng ilang magsasaka at katutubong residente. Kapag nabuo na ng nakalubog na unit ang mga testimonya o mga kuro-kuro bilang datos ay iaakyat ito sa mas mataas na organo. Ngunit ang pinakamarahas na katotohanan ay ang “deciding factor” lamang sa pagpataw ng kamatayan sa isang indibidwal ay kadalasang isa hanggang tatlong tao, na madalas ay mga nasa kalihiman sa antas-sub-rehiyon.
Walang matibay na ebidensya. Walang wastong beripikasyon. Walang due process. Walang depensa galing sa inakusahan.
Biktima bilang babala
Matapos ang bawat pagpatay, ginagamit ng CPP-NPA ang biktima bilang psychological weapon sa komunidad at sa mga kasapi nito: “Ganito ang mangyayari sa inyo” kung tatalikod ka sa kilusan.
Kinakaladkad ang reputasyon ng biktima at isinasapubliko ang pagpatay upang takutin ang iba. Sa maraming pagkakataon, ginagawan pa ito ng press release upang bigyan ng katwiran ang pagpatay. Ito ang paraan ng kilusan upang mapanatili ang impluwensya, hindi sa pamamagitan ng prinsipyo, kundi sa kapangyarihan ng takot.


Marami sa mga Former Rebel ang nagpatotoo na kumikilos ang masa hindi dahil naniniwala sila, kundi dahil natatakot sila. At sa gitna ng lahat ng ito, nananatiling pinakamalungkot na katotohanan: ang pangunahing biktima ng CPP-NPA ay mga magsasaka, manggagawang-bukid, at katutubo… ang mismong sektor na sinasabi nilang ipinaglalaban nila.
Sino ang Tumitindig Para sa Mga Biktima?
Anumang kilusang pulitikal o armadong grupo na target ang sibilyan ay malinaw na lumalabag sa pangunahing karapatang pantao at sa mga prinsipyo ng makataong batas. Higit na nakakabahala ang katahimikan ng ilan sa mga grupong karaniwang malakas ang boses kapag karapatang pantao ang pinag-uusapan.
Hindi dapat piliin kung kanino lang ipaglalaban ang karapatang pantao. Dapat pare-pareho ang paninindigan, kahit sino pa ang gumawa ng pag-abuso. Bawat buhay na nawala ay karapat-dapat sa hustisya. Bawat komunidad ay karapat-dapat sa kapayapaan. At bawat pagpatay, sino man ang gumawa nito ay dapat tinutuligsa, iniimbestigahan, at pinapanagot. Ang pananahimik sa gitna ng karahasan ay nagbibigay lamang ng lakas sa mga gumagamit ng takot bilang sandata.
Sa huli, ang mga pagpatay ng NPA sa kanayunan ay hindi mga isolated o hiwahiwalay na insidente. Hindi na ito bago. At hindi ito dapat binabalewala. Bahagi ito ng isang matagal nang tradisyon ng pananakot na nagpapahirap sa mismong mga komunidad na sinasamantala ng CPP-NPA upang magpatuloy.
Hindi ideolohiya ang tunay na umuugong kundi ang nakatagong daing ng karaniwang Pilipino na nananabik lamang sa isang buhay na walang takot. Ang kanilang pagnanais ng seguridad, dignidad, at kinabukasang malaya sa tunggalian ang nagpapaalala kung ano ang tunay na mahalaga at kung bakit dapat tayong patuloy na lumaban para rito.




Comments