Pagitan ng Ulat at Naratibo sa Toboso Encounter
- Jhenelyn Cruz

- Abr 23
- 3 (na) min nang nabasa
Naglabas ng pahayag ang University of the Philippines Diliman University Student Council kasama ang iba pang organisasyon sa loob ng unibersidad, na nanawagan ng hustisya kaugnay ng pagkamatay ni Alyssa Alano, na kabilang sa mga naiulat na nasawi sa armadong engkwentro sa Toboso, Negros Occidental. Ayon sa mga operasyonal na ulat, kinilala na ang 14 sa kabuuang 19 na nasawi na iniuugnay sa New People's Army sa insidente.

Kabilang sa mga pangalang lumitaw sa mga ulat ay sina Alyssa Alano, kasalukuyang Education and Research Councilor ng USC UP Diliman; R.J. Nichole Ledesma, nominee ng Kabataan Partylist noong 2022 at kontribyutor sa midyang Bulatlat bilang mamamahayag; at si Maureen Keil Santuyo, isang faculty member sa University of the Philippines.
Sa social media, bumaha sa newsfeed ang isang koordinadong propaganda campaign na naglalayong itaguyod ang naratibong paulit-ulit na lumilitaw sa tuwing may casualty mula sa sagupaan ng AFP at NPA, ang paglalarawan sa mga nasawi bilang mga sibilyang aktibista na diumano’y biktima ng walang pakundangang karahasan ng estado.
Lumahok sa kampanyang ito ang ilang pahayagan at legal na organisasyon na kinabibilangan ng mga nasawi, kabilang ang Altermidya at Bulatlat. Ibinahagi ng Altermidya na si Ledesma ay nagsagawa ng community immersion, habang sa pahayag ng UP Student Council ay inilalarawan si Alano bilang isang inosenteng sibilyan na nakipamuhay sa mga magsasaka.
Gayunpaman, taliwas sa mga lumalabas na ulat at pahayag, may mga pagsusuring tumutukoy sa ganitong presentasyon bilang “narrative blending.” Sa ganitong pagbasa, binibigyang-diin sa publiko ang sibilyang identidad ng mga indibidwal tulad ng pagiging estudyante, organizer, o human rights advocate, habang hindi lubusang nailalahad ang posibleng ugnayan sa mas malawak na istrukturang politiko-militar ng CPP–NPA–NDFP.
Batay sa mga ulat ng mga nakilalang identidad, iniulat na kasama nina Alano, Ledesma, at Santuyo ang mga indibidwal na iniuugnay sa armadong yunit sa lugar, kabilang ang notorious NPA na si Rogel Fabillar, na tinukoy sa ilang ulat bilang isang kumander na matagal nang hinahanap ng mga awtoridad at may nakatalagang isang milyong pabuya.
Kabilang din sa mga pangalan ang:
Roel Sabillo, 19-anyos, Brgy. Tabunac, Toboso;
Rene Villarin Sr., 67-anyos, Brgy. Marcelo, Calatrava;
Sonny Boy Caramihan, 28-anyos, Brgy. Bagonbon, San Carlos City;
Pedro Bonghanoy, Brgy. Libertad, Escalante City;
Jocel Gimang, 18-anyos, Sitio Bautista, Brgy. Malasibog, Escalante City;
Alejandro Montoya, 33-anyos, Brgy. Gawahon, Victorias City;
Arnel Javoc, 32-anyos, Brgy. Lalong, Calatrava;
Maria Clarita Branzuel Blanco, guro sa Tabugon, Cebu;
Jenebabe Balora mula Bacolod City;
at Errol Wendel Chen mula Makati City.
Sa kasalukuyan, nananatiling limitado sa mga operasyonal na ulat at paunang impormasyon ang detalye ng pagkakakilanlan at aktwal na papel ng mga nasawi sa naturang engkwentro.
Samantala, nagbibigay rin ng indikasyon ang mga pahayag ng Partido kaugnay ng proseso ng integrasyon sa loob ng sonang gerilya. Ayon sa isa sa kanilang mga panayam, “Pwede kayong makaranas ng ‘grand experiences,’ pwede ring ‘mundane moments,’” at hinihikayat ang mga nakikipamuhay na maging aktibo sa araw-araw na buhay ng hukbo at sulitin ang bawat oras.
Sa konteksto ng pagkamatay ng ilan sa mga “nakipamuhay,” binibigyang-diin din ang realidad ng war footing, mental conditioning, at ang posibilidad ng matinding panganib sa loob ng hukbo. “Huwag itrato ang sarili bilang simpleng bisita, dahil integral kayong bahagi ng hukbo… maging handa na posibleng makaranas ng labanan, mahahabang lakaran, at iba pa,” ayon sa parehong pahayag.


Sa huli, ipinapakita rin sa kanilang oryentasyon na ang proseso ng integrasyon ay maaaring humantong sa ganap na pagiging NPA, kung saan “mahalagang ihanda ang sarili… na magpasyang magpultaym sa BHB.”





Mga Komento