Pagpapanibagong-hubog ng mga dating rebelde, inilunsad sa Occidental Mindoro
- Mau Chaeyoung

- Jul 23
- 2 min read

OCCIDENTAL MINDORO-- “Bago pa man inilunsad ang programa, buo na ang aking loob at nagbago na ang aking pananaw.” Ito ang wika ni Ka Ela, isang dating political instructor at logistics officer ng isang Sandatahang Yunit sa Propaganda (SYP) na kumikilos sa mga bayan ng Paluan, Abra de Ilog, Mamburao, at Santa Cruz sa hilagang bahagi ng Occidental Mindoro, tungkol sa kaniyang “pagpapanibagong-hubog.”
Isa si Ka Ella sa mga lumahok sa inilunsad ng PSWDO Occidental kasama ang Mindoro Island Former Rebels Association (MIFRA) at 1st CMO Company na programang “deradicalization” sa mahigit 20 mga dating rebelde noong Hulyo 21–24 sa Tayamaan, Mamburao, Occidental Mindoro. Layunin ng programa na tulungan ang mga dating rebelde sa kanilang transisyon tungo sa mas mapayapang pamumuhay sa pamamagitan ng iba’t ibang psychosocial, pangkabuhayan, at panlipunan na mga interbensyon.

Kabilang sa mga aktibidad ng programa ang counseling at therapy upang matugunan ang mga traumang naranasan ng mga dating rebelde, livelihood programs para sa alternatibong kabuhayan, at mga gawaing tulad ng religious re-education at community reintegration na tumutulong sa kanilang muling pag-angkop sa lipunan.

Para kay Ka Ela, naging mahalagang hakbang ang deradicalization sa kanyang personal na paghilom at pagbabalik-loob.
“Malaking tulong ito sa pagproseso ng aking loob. Hindi ako nangamba na mahusgahan. Nagkaroon din ako ng buong tiwala sa gobyerno at sa mga kasundaluhan,” dagdag niya.
Isa sa mga mahahalagang natutunan ni Ka Ela mula sa programa ay ang kahalagahan ng pagharap sa sarili niyang takot at tensyon, na matagal niyang binalewala habang inuuna ang panlabas na suliranin ng lipunan.
“Napagtanto ko dito na matagal na panahon kong inuna ang mga panlabas na suliranin sa lipunan, nakaligtaan ko nang proteksyunan ang aking buhay,” ani Ka Ela.
Naging masigla ang daloy ng programa para sa mga dating rebelde dahil sa pagkamalikhain ng mga aktibidad. Dahil sa deradicalization, ang mga dating rebelde na rin ang pumupukaw sa masa na mapawi ang maling ideolohiya sa buong isla.
“Mas naging positibo ako ngayon. Kahit na may edad na ako ay naging mahaba pa ang aking tinatanaw para sa pagsisimula ng bagong buhay,” ani Ka Ela.

Layunin ni Ka Ela na gamitin ang mga oportunidad na ibinigay ng gobyerno upang makatulong sa mga magsasaka at katutubong bulnerable sa panlilinlang ng CPP-NPA-NDFP.
Panawagan ni Ka Ela sa mamamayang Mindoreño:
“Nasa kamay ng mga Miñdoreno ang kapasyahan para sa kapayapaan. Tayo ang magtatakda na tuluyan nang maparam ang mga CPP-NPA-NDFP sa ating Isla. Masakit mabalitaan na may namatay dahil sa labanan. Bilang tao, ang katulad ko ay nabigyan ng pagkakataon, kung kaya’t tulungan at hikayatin din natin sila na magbagong buhay. Ang tunay na kapayapaan ay ang paglikha sa mundo kapiling ang ating pamilya, hindi ang pagsira nito…”





Comments