top of page

Pamumuno ng Friends Rescued, Pinalakas sa Mindoro Summit 2025

  • Writer: Mau Chaeyoung
    Mau Chaeyoung
  • Oct 17
  • 3 min read

ORIENTAL MINDORO — “May pag-asa naman pala…” Ito ang mariing sambit ni Ate Rose, isa sa mga nahalal na opisyales ng Mindoro Island Former Rebel Association (MIFRA), matapos ilatag at tugunan sa Friends Rescued Summit 2025 ang mga naipong isyu mula sa mga nakaraang pagpupulong. “Muling nasagot ang mga problema at malinaw ang aming inaasahan: patuloy na tupdin at pag-ibayuhin ng pamahalaan,” dagdag niya.


ree

Sa pananaw ni Ate Rose, hindi na ito basta mga pangako sa papel. Ito ay mga proyektong pangkabuhayan, tulong sa sakahan, at programang pangkaunlaran ang unti-unting bumubuo ng tiwala ng komunidad.



“Aktibo ngayon ang mga Friends Rescued at masa dahil nabigyang kasagutan ang usapin sa seguridad,” aniya. Sa antas-barangay hanggang bayan, nailunsad ang mga proseso kaugnay ng amnesty, na nagbigay kumpiyansa sa maraming Mindoreño na patuloy na magsulong ng kapayapaan at kaunlaran.


ree

Pinangunahan ng Provincial Government of Oriental Mindoro (PGOM) at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), katuwang ang DILG, PNP, AFP, at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), ang tatlong-araw na Friends Rescued Summit 2025 sa Vencio’s Hotel, Calapan City noong Oktubre 13 hanggang 15.



Kaagapay ang MIFRA, muling nagtipon at nagkonsolida ang mga dating rebelde, magsasaka, at katutubo mula Bulalacao hanggang Victoria upang suriin at tugunan ang pangunahing pangangailangan ng Friends Rescued (FRs) at kanilang komunidad.



“Binuo namin kayo bilang kooperatiba at asosasyon upang hindi na kayo umasa sa ayuda ng gobyerno,” pahayag ni Provincial Director

Frederick Gumabol ng DILG Oriental Mindoro.


ree

Layunin ng lalawigan na ang mismong mga mamamayan—FRs, magsasaka, at katutubo—ang mamuno sa pagpapaunlad. “Hindi na dapat ayuda, kundi buong leadership na ang dapat ipagkaloob sa kanila,” paliwanag niya. Hakbang ito para matiyak na ang mga programa ay pangmatagalan at sustenable sa dating apektado ng insurhensiya.



Nagbahagi rin si Brigadier General Melencio W. Ragudo, Commander ng 203rd Infantry Brigade, ng personal na karanasan bilang kabataang lumaki sa lugar na lubhang apektado ng karahasan.



“Labindalawang taong gulang pa lang ako, nabuhay na ako sa mala-barbaro na kalagayan sa Bukidnon… Talagang nagpapatayan sila,” aniya. “Nasaksihan ko kung paano pumatay ang mga NPA sa aming lugar, sa harap ng maraming tao, sa mismong loob ng baryo.”



Sa kabila nito, binigyang-diin ni BGen Ragudo ang pagtanggap at paghilom: “Pagod na rin akong makipagpatayan sa kapwa Pilipino… Ayaw namin kayong tawagin na ‘surrenderees’ o ‘dating rebelde.’ Dahil kayo ay nagbalik-loob, itinuturing namin kayo bilang friends rescued—mga taong nagbitiw sa dati at piniling umangat.”

Para sa kanya, ang summit ay oportunidad upang palakasin ang ugnayan ng dating magkabilang panig at palalimin ang pag-unawa ng pamahalaan sa mga isyung panlipunan. “Hindi namin alam lahat ng alam ninyo…” saad niya, bilang pagkilala sa papel ng FRs at masa sa pagpapaunlad.


ree

Tiniyak naman ni Paul E. Escober, Southern Luzon Area Manager ng OPAPRU, na magkakaroon ng takdang panahon sa pagtugon: “Sisikapin namin na sa susunod na summit, mga bagong problema na ang pag-uusapan natin.”



Mga Ganap sa Summit


Sa loob ng tatlong araw, natalakay ang sensitibong isyu sa pagitan ng FRs at lokal na opisyal. Nagbigay din ang DILG at OPAPRU ng pagsasanay sa pagtatatag ng kooperatiba, pamamahala ng pondo at bookkeeping, pagnenegosyo, at lakbay-aral. Katuwang ang KADRE-MINDORO, at MIFRA, tiniyak ng mga ahensya ang tulong sa pag-avail ng financial assistance, pagpapaunlad ng mga lupain, at proteksiyon ng mga karapatan (tulad ng tax exemption at land tenure).



Nagpaabot din ang OPAPRU ng mga programang nagtataguyod ng cultural sensitivity, safety nets para sa nagsisimulang kabuhayan, at suporta sa lokal na produkto ng FRs, magsasaka, at katutubo. Bilang pagkilala, 12 FRs ang tumanggap ng E-CLIP assistance, habang dalawa pa ang nabigyan ng karagdagang barangay financial assistance.



Sa pagtatapos, isa-isa ring inilatag ng MIFRA at mga kinatawan ng komunidad ang kanilang concerns, panawagan, at kahilingan sa mga kaukulang ahensya, na nangakong susubaybay at tutugon sa mga ito.



Para sa KADRE at MIFRA at sa lahat ng Friends Rescued, hindi rito nagtatapos ang layunin. Ito ang simula ng patuloy na pagsisilbi sa masa at ng pangakong babantayan ang lahat ng napagkasunduan hanggang tuluyang maisakatuparan.

Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page