Pinakaunang Restorative Justice Program sa pagitan ng mga sundalo, mga dating rebelde at mga nabiktimang komunidad sa Mindanao, matagumpay
- Damian Santillana
- Oct 9
- 3 min read
Updated: Oct 11

Makasaysayan ang ginanap na Restorative Justice Program na pinamagatang “Pag-alim ug Panaghiusa para sa Tinuod ug Malahutayaong Kalinaw” (Paghilom at Pagkakaisa para sa Tunay at Pangmatagalang Kapayapaan) na nilahukan ng mga former rebels (FR) sa ilalim ng Kalinaw Southeastern Mindanao Region (Kalinaw SEMR), mga sundalo ng 60th Infantry “Mediator” Battalion, at halos 300 indibidwal mula sa mga pamilyang nabiktima ng armadong tunggalian mula sa mga probinsya ng Davao del Norte, Davao de Oro at Agusan del Sur.
Ginanap noong Oktubre 6 hanggang 8 sa Barangay Doña Andrea, Asuncion, Davao del Norte, layunin ng programa na simulang pagalingin ang nasirang mga relasyon hindi lamang sa pagitan ng mga biktima at mga dating kasapi ng Communist Party of the Philippines - New People’s Army na nagbalik-loob na, kundi maging sa pagitan ng mga biktima at kasapi ng Philippine Army. Ayon sa mga dumalo, ito ang maituturing na pinakaunang programa sa ilalim ng restorative justice sa Mindanao patungkol sa armadong tunggalin sa pagitan ng ating pamahalaan at ng CPP-NPA.
Kwento ng sakit at paghilom
Inimbitahan ang mga guro at mag-aaral ng Institute of Peace Communications Studies ng Holy Cross of Davao College upang makinig sa mga kwento ng kasawian, pangungulila at unti-unting pagpapatawad ng mga pamilyang magsasaka at Lumad sa tatlong probinsya. Dumalo rin si Atty. Elisa Evangelista-Lapiña, Director IV ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Mindanao, Regional Director Rhuelo D. Aradanas ng Department of Social Work and Development, Kapalong Mayor Edgardo Timbol, at Davao de Oro Vice Governor Dorothy Gonzaga, at mga representate ng iba’t ibang lokal na pamahalaan. Naging tampok din ang workshop na pinangunahan ng tanyag na visual artist na si Kublai Millan at manunulat na si Karlo David kung saan nabuo ang konsepto ng peace memorial na itatayo bilang paggunita sa makasaysayang aktibidad.
Sa kanyang mensahe, pinaalalahanan ni Kapalong Vice Mayor Maria Theresa R. Timbol na hindi naman magkakaroon ng mga rebelde kung maayos ang pamamalakad ng mga nasa pamahalaan. “Sa dami ng mga nagrebelde sa Kapalong nangangahulugan iyon na marami talagang naging kakulangan ang gobyerno. At dahil dito ako na mismo ang humihingi ng dispensa sa inyo.”
Maririnig mula sa mga kapamilya ng biktima na sa kabila ng sakit mula sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay, lalo na iyong mga nadamay lamang, na handa pa rin silang magpatawad. Hinihiling lamang nila sa pamahalaan na sana ay matulungan silang tustusan ang anak ng kanilang pumanaw na mahal sa buhay.
Batayang mga programa
Isa sa mga lumitaw na katanungan mula sa isang asawa ng nasawing sundalo na kung maaari, maliban sa mga programa ng gobyerno sa mga nagbalik-loob ay mayroon din sanang nakalaan na scholarship para sa mga anak ng sundalo na nasawi sa pakikipaglaban sa insurhensya.
“Kami sa OPAPRU ay magisisikap na maipaabot sa lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno ang kalagayan at mga iginigiit ng mga nabiktima ng armadong tunggalian para matulungan sila na makabangon at makapagpatuloy nang matiwasay sa kanilang mga buhay,” ani Mart D. Sambalud, ang Deputy Head for Plans and Programs ng OPAPRU Mindanao.
Isa rin sa binigyang diin ng mga naapektuhang komunidad ang pagbibigay ng mga batayang serbisyo upang wala nang babalik pa sa armadong insurhensya at mapanatili na ang kapayapaan.
“Wala nang dahilan para bumalik sa armadong pakikibaka kung matutugunan na ng gobyerno ang mga batayang pangangailangan at karapatan ng sambayanan: mula sa hanapbuhay, edukasyon, kalusugan, tirahan at iba pa,” ani Dionisio Catarata Sr. o mas kilala bilang si Datu Makatindog. Siya ay dating kadre ng CPP-NPA-NDFP na nagbagong-buhay na at lider na ngayon ng Kalinaw SEMR.
Kapatawaran

Hapon ng ikalawang araw ng programa ay nagkaroon ng interfaith mass na sinundan ng candle lighting, kung saan simbolikong ipinakita ng mga lumalahok ang pagpapatawad sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng kandila.

“Hindi ko ‘to malilimutan habang nabubuhay pa ko,” wika ni Datu Makatindog sa wikang Bisaya habang lumuluha matapos na marami ang nakipagpalitan sa kanya ng kandila kabilang na ang mga asawa ng mga sundalong nasawi sa pakikipagbakbakan sa mga NPA. “Sa pamamagitan lang ng pamumuhay nang naayon sa wika ng Panginoon natin mararanasan ang tunay na kapayapaan at kapaki-pakinabang na buhay bilang bahagi ng lipunan.”
Sinundan ito ng gabi ng pakikiisa kung saan isinadula ng mga FR at mga sundalo ng 60IB ang mga karanasan ng mga nabiktima ng armadong tunggalian.
Sa huling araw ng pagtitipon, isinagawa ang Tampuda, ang ritwal ng pagkakaisa ng mga Lumad, upang simbolikong selyohan ang pagkakaisa sa pagitan ng lahat ng sangkot na panig.





Comments