Resolution No. 468: Paglilitaw sa Katotohanan ng Spy-Tagging sa Negros
- Jhenelyn Cruz

- Hun 28
- 3 (na) min nang nabasa

Manila — Inihain ni Senador Robin Padilla ang Senate Resolution No. 468 na naglalayong imbestigahan ang patuloy na spy-tagging at summary executions sa Negros Island na iniuugnay sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Matapos ang patuloy na paglolobby at pananawagan ng mga dating rebelde at ilang ahensya ng gobyerno, nakatuon ang resolusyon sa mga kaso ng pagpatay sa mga sibilyan na mga magsasaka, barangay officials, agrarian reform beneficiaries, matatanda, at ordinaryong residente na inaakusahan ng NPA bilang “spies” o “informants” nang walang due process.
Layunin ng resolusyon na linawin ang sistematikong pattern ng karahasan sa isla at suriin din ang papel ng gobyerno at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa konteksto ng matagal nang armadong tunggalian sa Negros.
“Napakahalaga na bigyang-linaw ang mga ulat ng pagtatarget sa mga inosenteng sibilyan na iniuugnay sa CPP-NPA-NDFP,” ayon sa resolusyon.
Kalikasan ng Spy Tagging
Ang spy-tagging ay hindi basta random na karahasan. Ito ay isang sinadyang mekanismo ng political power projection ng CPP-NPA. Sa mga komunidad na kanilang tinutukan, ginagamit ito upang patunayang buhay at gumagana pa rin ang kanilang tinatawag na “Gobyernong Bayan.”
Sa pamamagitan ng kangaroo courts at summary executions, ipinapakita ng NPA na may kakayahan silang maghatol at magparusa. Ito ay nagsisilbing sistematikong pananakot upang mapanatili ang kontrol sa komunidad at mapilitan ang mga tao na magbigay ng suporta sa logistik at recruitment.
Ang mga madalas na target at biktima ay mismong mga magsasaka at ordinaryong residente na dating nagtataguyod at sumusuporta sa kilusan. Kapag nagbago ang kanilang pananaw, tumanggi sa mga bagong atas, o nakipagtulungan sa gobyerno, sila ay agad na tinuturing bilang “kaaway.”
Ayon sa datos ng NTF-ELCAC, mula 2021 hanggang Mayo 2026, may 59 documented spy-tagging killings sa buong bansa. Sa bilang na ito, 51 biktima o halos 86% ay nasa Negros Island — 41 sa Negros Occidental at 10 sa Negros Oriental.
Higit na nakababahala, sa pagitan ng Enero 2025 hanggang Mayo 2026 lamang, 49 sa mga pagpatay ay nangyari sa Negros. Ibig sabihin, halos 9 sa bawat 10 kaso sa buong Pilipinas ay nasa isla. Ito ang nagpapatunay na ang Negros ang kasalukuyang epicenter ng ganitong uri ng karahasan.
Bakit Patuloy ang Spy-Tagging?
Nanatili ang taktika na ito dahil sa tatlong pangunahing dahilan. Una, ito ay isang strategic adaptation sa humihina na kilusan. Habang patuloy na lumiit ang armed strength at suporta ng masa ng NPA dahil sa matagumpay na counter-insurgency operations, naging murang alternatibo ang spy-tagging upang mapanatili ang impluwensya at pigilan ang karagdagang pagkasira ng kanilang base. Maraming guerrilla fronts sa Negros ang na-declare nang dismantled, kaya ang pagpatay sa mga sibilyan ay paraan upang mag-proyekto pa rin ng lakas.
Pangalawa, ito ay bunga ng ideological rigidity at paranoia. Sa loob ng Stalinist-Maoist framework ng CPP, madaling ma-label ang sinumang hindi sumasang-ayon bilang “class enemy” o “agent of the state.” Ito ay nagiging self-reinforcing cycle ng purges at internal control — isang klasikong taktika sa maraming communist insurgencies upang mapanatili ang disiplina.
Pangatlo, ito ay para sa pagpapanatili ng revolutionary myth. Upang mapanatili ang moral at political legitimacy sa harap ng mga kasapi at simpatisador, kailangan nilang ipakita na mayroon pa rin silang functioning “gobyerno”. Kahit na ito ay nakabase lamang sa takot at karahasan.
Ang ganitong pattern ay may malalim na ugat sa kasaysayan ng CPP-NPA, mula sa Kampanyang Ahos at Oplan Zombie noong 1980s–90s hanggang sa kasalukuyan. Maraming dating miyembro ang nagtestigo na ang desisyon sa pag-label ng isang tao bilang “spy” ay madalas na ginagawa nang walang sapat na ebidensya.
Suporta sa Resolution No. 468
Sa gitna ng patuloy na spy-tagging at summary executions sa Negros Island, ang Senate Resolution No. 468 na inihain ni Senador Robin Padilla ay isang mahalagang hakbang tungo sa katotohanan at hustisya. Ito ay nagbibigay ng plataporma para sa masusing imbestigasyon sa mga pagpatay sa mga sibilyan.
Ang resolusyon ay hindi lamang tumutukoy sa karahasan mula sa NPA kundi sinusuri rin ang papel ng gobyerno sa ilalim ng whole-of-nation approach na kinabibilangan ng community development, livelihood programs, at tulong sa mga surrenderees upang wakasan ang siklo ng karahasan, na siyang tinututulan ng NPA dahil nawawalan ito ng suporta sa masa.
Habang maaaring tugunan ng kilusan ang ganitong imbestigasyon sa pamamagitan ng akusasyon ng militarization o paglabag sa karapatang pantao, nananatiling pangunahing usapin para sa maraming residente ng Negros ang pagtiyak ng katarungan para sa mga biktima at proteksyon sa mga inosenteng sibilyan.
Sa huli, ang resolusyon ay isang hakbang patungo sa tunay na kapayapaan dahil nagkakaroon ng diskusyon tungkol sa usapin na pilit tinatabunan ng mga propaganda. Mahalagang maunawaan na kapag ang rebolusyon ay nagsimulang patayin ang sariling mga masa, hindi na ito rebolusyon — ito ay isa nang terorismo.





Mga Komento