top of page

“Rice for Us”: Pagbangon at Pag-asa sa Gitna ng Krisis

  • Writer: Jhenelyn Cruz
    Jhenelyn Cruz
  • 2 days ago
  • 4 min read

Palo, Leyte — Noong April 1, 2026, sa gitna ng banal na panahon ng Kuwaresma, matagumpay na isinagawa ng Uswag Sinirangan Bisayas Inc. ang makabuluhang programang “Rice for Us” na naghatid ng direktang tulong at pag-asa sa 150 pamilya sa bayan ng Palo, Leyte.



Ang programa ay hindi lamang tungkol sa pamimigay ng bigas. Ito ay isang makabuluhang pagpapahayag ng malasakit, pagkakaisa, at pagbangon sa gitna ng kahirapan at krisis.



Sa isang eksklusibong panayam sa Kontra Kwento, sinabi ni Terencio M. Eder Jr., Executive Director ng Uswag Sinirangan Bisayas Inc., na ang konsepto ng “Rice for Us” ay may malalim na pinagmulan.




“Maraming hugot o pinag-ugatan ang concept,” paliwanag ni Eder. “Isa rito ang patuloy na economic crisis dahil sa mataas na presyo ng langis. Ngayon naman, ito ay panahon ng Kuwaresma — panahon ng pagtutulungan, pagbibigayan, at pag-asa. Ang ‘Rise’ ay gusto nating ipamulat sa bawat isa ang kahalagahan ng pagtayo sa sarili sa panahon ng krisis.”



Pagpili sa Palo bilang Lugar ng Pamamahagi


Napili ang Palo, Leyte bilang unang target ng programa dahil sa dalawang pangunahing dahilan. Una, ito ang sentro ng relihiyosong aktibidad sa rehiyon, lalo na sa tradisyon ng “7 Last Words” at “The Way of the Cross” tuwing Kuwaresma. Ikalawa, ang isa sa mga major sponsor ay taga-Palo mismo, na naging malaking tulong sa maayos na pagpaplano at implementasyon.



Mga Benepisyaryo: Mga Pedicab at Tricycle Drivers


Karamihan sa 150 benepisyaryo ay mga pedicab at tricycle (etrike) drivers, kasama ang mga mahihirap na nagtitinda sa public market noong araw na iyon. Upang maging maayos ang pamamahagi, nagbigay ang organisasyon ng claim stubs at nagtakda ng tiyak na oras at lokasyon sa loob ng palengke.





“Naging masaya sila nang matanggap ang bigas,” kwento ni Eder. “Sabi nila, malaking tulong na rin daw ito sa kanila dahil may pangsaing na sila sa buong araw.” Dagdag pa niya, isang opisyal ng market ang nagpahayag na napakalaking bagay ang ganitong uri ng tulong sa panahon ng krisis. Pinuri rin nito ang objective ng organisasyon, na kahit hindi taga-Palo ay handang magbigay ng grasya at suporta sa kanilang komunidad.



Espiritwal na Dimensyon sa Panahon ng Kuwaresma


Ipinaliwanag ni Eder na ang Kuwaresma ay hindi lamang panahon ng paghihirap at sakripisyo. Ito rin ang panahon ng pagbangon at pagbabago. “Katulad namin na mga dating rebelde (FR), dumaan kami sa malalaking pagsubok sa buhay, pero sa kabila nito, nasilayan namin ang malaking pag-asa,” sabi niya.



“Kahit kunting tulong ang ating bigay na bigas sa mga pamilya, hindi lang economic ang natutugunan natin kundi pati na rin ang spiritual at moral na sitwasyon sa panahon ng Kuwaresma,” dagdag pa niya.



Matibay na Partnership at Proseso ng Implementasyon


Naging posible ang buong programa sa malapit na pakikipagtulungan ng Archangel Trust Foundation at Buklod Kapayapaan, ang national federation ng mga dating rebelde. Ang Archangel Trust Foundation ang siyang bumili ng bigas, habang ang Uswag Sinirangan Bisayas Inc. ang namahala sa packing at koordinasyon sa market officers ng Palo.



Ayon kay Eder, nagsimula ang lahat sa isang seryosong talakayan sa pagitan ng Uswag at Buklod Kapayapaan tungkol sa paglulunsad ng isang aktibidad sa darating na Kuwaresma. Isa sa mga napagkasunduang konsepto ay ang “Rice for Us.” Dahil may koneksyon sa Palo ang isang foundation, sila ang unang nilapitan upang matuloy ang programa.



Mga Hamon at Pangarap sa Hinaharap


Bagama’t matagumpay ang unang araw ng pamamahagi, hindi naging madali ang lahat. Aminado si Eder na malaking hamon para sa kanila ang pagpapalawak pa ng bilang ng benepisyaryo at pagtugon sa maraming pamilyang nangangailangan. “Nakakaawa ang maraming pamilyang talagang kulang sa economic na kakayahan,” sabi niya.



Ang pinakamalaking hamon aniya ay kung paano matutulungan ang mga komunidad hindi lamang sa pamamagitan ng one-time na tulong kundi sa pamamagitan ng sustainable livelihood programs na makakapagbigay ng pangmatagalang solusyon.



Sa kabila nito, nananatiling buo ang pag-asa ni Eder. “We hope na magtuloy-tuloy po itong nasimulang nating campaign na ito. Sana marami pang tumulong sa atin, para mas marami din tayong matulungan na pamilya,” ani niya.



Tunay na Paglilingkod bilang Dating Rebelde


Para kay Terencio M. Eder Jr. at sa buong organisasyon, ang “Rice for Us” ay higit pa sa isang relief activity. Ito ay isang oportunidad para sa kanila bilang mga dating rebelde na makapagbigay ng tunay na serbisyo sa bayan.



“Its inspiring po na makatulong tayo sa mga nangangailangan. Bilang mga FR, ito po ang pagkakataon namin na makapag-serve ng tunay na malasakit sa ating gobyerno, sa ating bayan, at sa taong bayan,” diin niya. “Pagtutulungan, malasakit, at pagbibigay ng pag-asa sa ating kapwa — ito ang isa pa sa mga aral na ating dadalhin ng aming organisasyon.”



Panawagan sa Publiko


Bukas ang Uswag Sinirangan Bisayas Inc. sa lahat ng indibidwal, grupo, at organisasyon na nais na maging bahagi ng “Rice for Us” at iba pang mga programa. Maaaring makipag-ugnayan sa kanilang opisyal na Facebook page.



“Napakalaking tulong po ang inyong whole-hearted support para sa ating campaign,” panawagan ni Eder. “We will assure you that the FR organization will always be a part of government effort for better, peaceful, and sustainable development for our society.”



Sa pamamagitan ng “Rice for Us”, ipinakita ng Uswag Sinirangan Bisayas Inc. na kahit isang simpleng sako ng bigas, kapag ibinigay nang may tunay na malasakit at layunin, ay makakapagbigay ng lakas hindi lamang sa katawan kundi pati na rin sa diwa at pag-asa ng isang buong komunidad — isang maliit na hakbang tungo sa malaking pagbangon.




Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page