Sino ba Talaga ang Dapat Humingi ng Hustisya sa Isyu ng Talaingod 13?
- Cleve Sta. Ana
- 2 araw ang nakalipas
- 2 (na) min nang nabasa

Muling sinusubukan ng mga grupong kaugnay ng National Democratic movement na buhayin ang usapin ng tinaguriang “Talaingod 13.” Noong Hulyo 16, pinangunahan ng Save Our Schools Network ang isang kumperensiyang pinamagatang “Annual State of Justice in Mindanao Conference: Justice for Talaingod 13 and Beyond.” Sa naturang pagtitipon, muling iniharap ang naratibong ang estado umano ang nang-api sa mga tinawag nilang “human rights advocates” na nagsagawa ng rescue mission para sa mga batang Lumad.
Ibinida pa ang nasabing kumperensiya sa social media page ni dating Bayan Muna Representative Karlos Zarate, na tila ba malinaw na malinaw na ang usapin ay simpleng kaso ng panggigipit laban sa mga aktibista. Ngunit may isang mahalagang tinig na hindi dapat isantabi—ang tinig ng mismong mga Lumad na direktang naapektuhan ng pangyayari.
Isa sa kanila si Rurelyn Bay-ao, isang katutubong Lumad, dating kadre ng Communist Party of the Philippines (CPP), at dating organisador ng kabataang Lumad sa Mindanao. Bilang taong dating nasa loob ng kilusan, may bigat ang kanyang salaysay tungkol sa tunay na nangyari sa Talaingod.
Ayon kay Bay-ao, noong Nobyembre 2018 ay dinala nina France Castro at Satur Ocampo ang 14 na menor de edad na kabataang Manobo mula sa Dulyan, Talaingod, Davao del Norte palabas ng kanilang lugar nang walang pahintulot mula sa kanilang mga magulang o legal na tagapag-alaga. Para sa mga magulang at sa mga komunidad ng Lumad, hindi ito simpleng usapin ng aktibismo o adbokasiya. Ito ay usapin ng karapatan ng mga pamilya at ng proteksiyon sa mga bata.
Noong Hulyo 2024, pinagtibay ng Regional Trial Court Branch 2 ng Tagum City ang hatol na nagkasala sina France Castro at Satur Ocampo dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang batas na nagbibigay ng espesyal na proteksiyon sa mga bata laban sa pang-aabuso, pagsasamantala, at iba pang mapanganib na gawain.
Sa harap ng desisyong ito ng hukuman, mahalagang itanong kung sino ba talaga ang dapat humingi ng hustisya. Ang mga nahatulang lumabag sa batas, o ang mga magulang at komunidad na naniniwalang nalabag ang kanilang karapatan at kapakanan?
Ang usapin ng Talaingod 13 ay hindi dapat gamitin bilang simpleng propaganda. Dapat itong tingnan sa lente ng batas, karapatan ng mga katutubo, at higit sa lahat, kapakanan ng mga bata. Ang tunay na hustisya ay hindi lamang para sa mga kilalang personalidad o organisasyon, ito ay para rin sa mga Lumad na matagal nang nagsisikap na marinig ang kanilang sariling boses.
Tulad ng sinabi ni Rurelyn Bay-ao, “Kung sino man ang dapat sumigaw ng hustisya at katarungan, kami iyon, hindi sina France Castro at Satur Ocampo.”





Mga Komento