Unity Run for Peace and Development: Pakikiisa at suporta sa mga former rebel
- Damian Santillana
- Sep 20
- 1 min read

Higit 1,400 kalahok ang maagang gumising at nagtipon noong Setyembre 14 para sa isang maraton na may natatanging layunin. Sa Camp General Emilio Aguinaldo sa Quezon City, sama-samang nakiisa ang mga propesyunal, atleta, estudyante, pamilya, at maging mga fur-parent kasama ang kanilang mga alaga sa “Unity Run for Peace and Development.”
Lahat ng pondong nalikom mula sa Unity Run ay mapupunta sa Buklod Kapayapaan Federation Inc. (BKFI). Ang BKFI ay ang pambansang pederasyon ng mga dating kasapi ng CPP-NPA-NDF na nagbalik-loob sa pamahalaan at aktibong nakikibahagi sa mga programang pangkapayapaan.

“Napakahalaga ng inisyatibang ito sa pagtatatag ng mas matibay na institusyon ng aming pederasyon,” ani BKFI president Noel Legaspi. “Ito ang magiging pundasyon para mas maayos ang aming mga mekanismo at mas mapalakas ang aming mga advocacy programs para sa kapayapaan at kaunlaran.”
Para sa National Secretariat ng NTF-ELCAC, ang Unity Run ay hindi lamang isang fundraising event kundi isang paggunita sa pagbabalik-loob ng maraming Pilipino sa landas ng kapayapaan.
“Tumatakbo tayo nang may layunin,” pahayag ni Executive Director Usec. Ernesto C. Torres, Jr. “Bawat hakbang ay pagpupugay sa mga nagbuwis ng panahon sa ibang landas ngunit piniling bumalik sa kapayapaan.”
Bitbit din ng Unity Run ang diwa ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development na blueprint para tugunan ang ugat ng kaguluhan at lumikha ng patas na oportunidad para sa lahat.
At sa huling metro ng karera, malinaw na ang kapayapaan ay hindi lamang adhikain, bagkus ito ay isang paglalakbay. At sa bawat hakbang, mas lumalapit ang bansa sa pangarap na iyon.





Comments