‘Walang bawnderi ang pagtulong sa mga FR’
- Damian Santillana
- Jul 23
- 3 min read
DAVAO DEL NORTE—Pinili ni Patricio Nadong, o mas kilala bilang si Tatay Chris—dating NPA at isa sa mga kadre ng Production Platoon ng Southern Mindanao Region—na manatili sa Balay Panaghiusa, isang halfway house ng mga former rebel (FR) sa Asuncion, Davao del Norte, kahit noong nakaraang pasko sa halip na bumisita sa kanyang pamilya sa Loreto.

Bilang isang dating miyembro ng Special Partisan Unit (SPARU) ng NPA na kumikilos sa bayan ng Loreto, hindi pa panatag si Tatay Chris na umuwi sa kanyang pamilya at sakahin ang kanyang sariling lupa, kahit pa matagal nang napawalang bisa ang kanyang mga kaso.
“Nagsurrender ako sa Arakan, North Cotabato noong 2021, pero dito sa Davao del Norte na ako nagpatulong maasikaso ang aking mga kaso dahil mas malapit ito sa CARAGA,” ani Tay Chris. “Mula noon ay dito na rin ako tumira sa Balay Panaghiusa at naging aktibo sa Kalinaw SEMR.”
“Buti na lang, walang bawnderi (boundary) ang pagtulong sa mga FR,” pabirong sabi nya.
Ang Kalinaw Southeastern Mindanao Region ang panrehiyong pederasyon ng mga dating kasapi ng CPP-NPA-NDFP at mga people’s organization sa Region 11.
Sinusugan naman ito ng mag-asawang sina James at Jessie, dating matataas na mga kadre ng Subregional Command 3 ng NPA sa rehiyon. Bagamat parehong taga-Davao del Sur, kasalukuyang pinoproseso ang kanilang E-CLIP (Enhanced Comprehensive Local Integration Program) sa Davao del Norte.
“Narinig nga namin sa mga kapwa FR na mas mabilis daw ang pagproseso ng ECLIP dito sa Davao del Norte,” ani Jessie. “Saka maliban sa National E-CLIP (package), may binibigay din na local E-CLIP (package). Malaking tulong din ‘yun. Buti nga hindi required na taga-del Norte kami.”
Sa panayam ng Kontra-Kwento sa Provincial Welfare and Development Office (PSWDO), ang panlalawigang ahensya na tumututok sa programang rehabilitasyon at integrasyon ng mga FR, nilinaw ng opisina ang iilang punto hinggil sa E-CLIP.
“Isinasaad kasi sa EO 70 na hindi exclusive ang mga probinsya,” ani Jun Elen B. Agmata, Social Welfare Officer III ng Provincial Welfare and Development Office (PSWDO). Dagdag niya na kahit tagasaan man ang FR, dapat i-accommodate at tulungan sila ng pamahalaan.
Ang Executive Order No. 70 ang nagpapatupad ng Whole-of-Nation approach o ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga sektor, at hindi lamang ng militar, sa pagwawakas ng lokal na komunistang insurhensya.
“Gan’un din talaga ka-accommodating si Gob (Provincial Governor Edwin I. Jubahib),” dagdag ni Agmata. “Hindi nya rin talaga tinatanggihan kahit tagasaang probinsya ka pa. Which is mabuti rin talaga since merong mga FR na hindi na rin gustong bumalik sa probinsya nila dahil sa kanilang security.”
“Pero merong mga FR na kailangan din naming i-turn over, iyong mga FR na gustong umuwi sa kanila, tulad nung mga FR na tinurn-over namin sa Bukidnon,” dagdag ni Brian T. Miguel, Social Welfare Office II ng PSWDO. “Ito ay dahil mahihirapan kami at labas na ng jurisdiction namin ang monitoring sa kanila kung makauwi na sila. Patuloy kasi natin silang kinukumusta kung anong kalagayan nila kung nakauwi na sila, such as kung nakakapag-hanapbuhay na ba sila, ligtas ba sila, at iba pa.”
Umaasa ang mga FRs at mga taga-PSWDO na mahihimok nila ang ibang mga probinsya na maging masigasig din sa pagtulong sa mga dating rebelde lalo na iyong mga hindi na makauwi sa kanilang mga dating tahanan.
Sa ngayon, tumutulong si Tay Chris sa Kalinaw SEMR sa patuloy na paglilingkod sa mga magsasaka at Lumad tulad ng mga ARBs (agrarian reform beneficiaries) sa Tagum City, Davao del Norte na magtagumpay sa kanilang pakikibaka para sa lupa.
“Hindi naman ako tagarito pero tinulungan nila ko, hindi man ako taga-roon ay tutulong din ako sa kanila,” ani Tay Chris. “Kahit wala na ko sa kilusan, patuloy pa rin naman akong maglilingkod sa sambayanan. Ito ‘yung paraan ko ng pagsusukli sa mga naitulong sa’kin ng pamahalaan para magbagong buhay.”





Comments