top of page

Welga ang Solusyon… o Tamad na Analysis?

  • Julius Yotni
  • 4 minutes ago
  • 3 min read

Habang patuloy ang banggaan ng United States-Israel laban sa Iran, hindi lang missiles ang lumilipad—presyo ng langis ang tunay na collateral damage. Kapag napagitna ang Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang halos 20% ng global oil supply, hindi lang rehiyon ang apektado—buong mundo ang nilalagnat. At gaya ng dati, tayo ang may resibo.

Sa gitna ng ganitong komplikadong global chess match, may sumisigaw mula sa sidelines: “Welga ang solusyon sa oil price hike.”





Pamilyar at halos reflex na. Parang may sunog sa buong barangay, tapos ang sagot mo ay mag-rally sa harap ng fire station.



Kamakailan, sinalakay ng mga progresibong grupo ang headquarters ng Petron, kasama ang mga tsuper at ilang sektor na direktang tinatamaan ng pagtaas ng presyo ng langis. Mabigat ang kanilang mga punto: posibleng pumalo sa ₱120 kada litro ang diesel, umaabot sa ₱90,000 ang buwanang gastos ng mga driver, at sa kabila nito, tila patuloy ang kita ng malalaking kumpanya—umaabot pa nga sa bilyon-bilyon. Idinidiin nila ang umano’y profiteering ng oil giants, at ang papel ng Oil Deregulation Law sa pagpapahintulot ng mabilis na pagtaas ng presyo. Kasabay nito ang panawagang tanggalin ang VAT at excise tax.



Valid ang galit, walang duda roon. Pero ang tanong, sapat ba ang welga bilang sagot?



Dito nagiging interesante ang usapan—lalo na kung hihiramin ang lente ni Karl Marx. Sa kanyang pagsusuri, ang welga ay hindi solusyon kundi simula. Hindi ito endgame; isa lamang itong taktika sa mas malawak na estratehiya ng pagbabago ng sistema. Ang welga, sa konteksto niya, ay paraan para ipakita ang kolektibong lakas ng manggagawa, pero hindi nito awtomatikong binabago ang istruktura ng ekonomiya.



Kaya kung ang sagot sa isang global supply shock—na nakaangkla sa geopolitics, logistics, at market expectations—ay simpleng “welga,” may kulang sa analysis. Hindi dahil walang silbi ang welga, kundi dahil hindi malinaw kung saan ito papunta.



Kung susundin ang mismong Marxist framework, ang problema sa presyo ng langis ay hindi lang “kasakiman” ng mga kumpanya. Naka-embed ito sa mismong galaw ng kapitalismo: supply at demand na kayang impluwensyahan ng malalaking aktor, presyong tinataya hindi lang sa kasalukuyan kundi sa inaasahang krisis, at sistemang naka-orient sa tubo kahit may pandaigdigang instability.



Sa ganitong setup, ang welga na walang kasunod na malinaw na political at economic rupture ay parang pag-pause lang ng musika. Pansamantalang hinto, pero hindi pagbabago ng kanta.



At dito pumapasok ang mas awkward na obserbasyon.



Sa halip na magsilbing tulay tungo sa mas malalim na organisadong pagkilos, ang panawagang “welga ang solusyon” ay minsang nagmumukhang shortcut, isang madaling napa-package na slogan na kayang mag-generate ng ingay, pero kulang sa strategic depth. Nagiging soundbite kaysa blueprint. Mas malapit sa optics kaysa sa organisadong mobilisasyon.



Hindi ito simpleng isyu ng tama o mali. Isyu ito ng antas ng pagsusuri.



Dahil kung ang galit ng masa ay paulit-ulit na kinokondensa sa iisang taktika na walang malinaw na direksyon, may panganib na ito’y maging cyclical—sumisigaw, nagwewelga, humuhupa, at muling sisiklab sa susunod na krisis. Walang structural shift, walang long-term gain, ni walang short-term relief para sa masa. Ang masama pa, napapagod lang ang masa at nadi-disillusion sa power ng welga.



Sa puntong ito, kailangang itanong kung ang welga ba ay bahagi ng mas malawak na plano o ito na mismo ang plano? Dahil magkaiba ang dalawa, lalo na kung kanino nanggagaling ang panawagan sa welga.



Kung ito ay bahagi ng mas malalim na proyekto ng pagbabago—may saysay, may direksyon, may patutunguhan. Pero kung ito ay nagiging default response sa bawat krisis, nang walang kasunod na konkretong hakbang, nagiging predictable ito, at sa kalaunan, nawawalan ng bisa.



At habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, may isa pang tahimik na tumataas: ang pressure sa mga kilusan na manatiling relevant sa mata ng publiko. Kaya siguro ang sigaw: “Welga ang solusyon.”



Hindi dahil ito ang dulo ng laban—kundi dahil ito ang pinakamadaling simula na kayang ibenta.


Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page