FR Diaries / Lost Command Notes

May nabasa akong post ng isang aktibista tungkol sa armadong pakikibaka. Ang argumento niya: hindi porke't kinikilala nating may alternatibo sa armadong pakikibaka ay nangangahulugang kailangan na nating lumahok dito. Salimbayan daw ang legal at armadong pakikibaka, at ang dapat manaig ay ang pagsusuri sa material conditions at kapasyahan ng mga tao.
May punto naman sa pagsasabing mahalagang suriin ang materyal na kondisyon. Pero bilang dating aktibista at kasapi ng NPA, para sa akin, may mga kontradiksiyong hindi nasasagot ng ganitong paliwanag. At kung MLM theory mismo ang gagamitin nating batayan, mas marami pang dapat pag-usapan.
Lalo na’t nagdulot ang mga ganitong kaisipan hindi lang ng mga pagkakamali kundi ng mga buhay ng mga kabataan na humantong sa kamatayan na walang kapalit na political gain. Sa usapin ng konteksto ng mga post ng aktibista sa socmed, tinatawag namin ang ganitong tipo ng mga pahayag bilang “Lost command”. Isang maluwag na paggamit ng isang military term para ipahiwatig ang mga kalat-kalat na mga kaisipan at gawi na malayo na sa “tamang” linya ng kilusan, na buhat ng pagiging may-sariling palo, o kaya ay hindi lubog sa mga gawaing masa o sa masa mismo.
Ang mga post na ganito ay nagmumula sa mga “aktibista” na paglalahad ng teorya ng matagalang digmang bayan: pansinin ang paggamit ng salitang “hukbo”. Aling “hukbo” nga ba ang tinutukoy niya? At bakit napaka-casual niyang tawagin ito?
Sa huli, may lohikal na kontradiksyon sa mismong mensahe ng aktibistang ito na buhat sa pagsusumikap niyang patunayang walang kinalaman ang mga aktibistang ND sa terorismo ng NPA.
May sense talaga na sila mismo sa kanilang mga hanay ay may pagtanggap ng nosyon na terorista ang “hukbo”, dahil kinakailangan pa nilang gumuhit ng linya na nag-iiba sa kanila mula sa armadong bahagi ng DRB, sa puntong nauuwi ito sa maling linya batay mismo sa kanilang mga doktrina.
Political Theory ng CPP
Kapag sinabi nating “alternative” ang ARPAK, hindi lang iyon simpleng “may existing means tayo.” Sa classical line ng CPP, ang armed struggle ang principal form ng pakikibaka. Ang parliamentary/legal struggle ay secondary, tactical, at support system lang. Hindi equal ang “salimbayan.” Hindi permanenteng dual-track na pantay-pantay.
Ang long-term strategic goal ay seizure of political power through armed means. Kapag naging dominant ang legal work at lumiit ang armed component, tinatawag iyon sa loob ng kilusan na right opportunism o reformism. Kaya’t ang framing na “mutually inclusive” at “salimbayan” ay soft, liberalized, at sa totoo lang — conservative version ng actual line.
Kapag sinabi mong ARPAK ang alternative, may built-in hierarchy na iyon. Automatic na ipinapahayag mo na ang pure reformist/parliamentary path ay kulang o failed. Hindi lang “may existing means.” May judgment na ang legal-only path ay hindi sapat para sa tunay na social change. Kaya “alternative” ang tawag, hindi “one of the options.”
At saka ito:
“Ang pag-affirm na valid ang armed struggle ay hindi katumbas ng personal na desisyon na lumahok.”
Mali ito.
Ang pag-affirm na valid ang armed struggle ay may katumbas na sakripisyo. Personal na desisyon man o hindi, humihingi ito ng mabigat na commitment. Lifetime pa nga. Panawagan ito ng CPP-NPA, lalo na sa panahon ngayon — task at hamon pa sa mga abanteng lider sa lungsod.
Batay sa karanasan ko bilang aktibista sa lungsod at bilang dating NPA, maraming lider ang nahihirati na magpasya na umakyat. Hindi lang indibidwal — mismong mga organisasyon. Sinasabi nila: “Kapag ipapadala natin ang mga mahuhusay na lider sa Hukbo, mahihirapan at mawawalan ng resources o vanguard dito sa legal.” “Wala pang second liners.” “Hindi pa handa ang mass members.” “Baka malusaw ang legal chapters.”
Sa madaling salita, inaantay ang ideal quantity at quality bago magpasya. Pero ito ay conservative practice.
Hindi totoo na walang papalit. Kapag may umakyat na kadre galing legal, may domino effect. Maraming masang aktibista ang aabante kasabay ng lider, papalit sa posisyon, dadami ang mangangahas, at marami ang mare-recruit. Pero hanggang ngayon, sakit pa rin ito ng mga legal na organisasyon.
Sa usapin ng “kapasyahan.”
Sa dialectical materialism, ang practice ang criterion of truth. Hindi sapat ang pag-aaral ng teorya araw-araw sa lungsod para makapagpasya. Batay sa sariling karanasan, ang desisyon na iyon ay nagsisilang sa konkretong karanasan: labanan, gutom, pangungulila, matinding hirap. Doon mo lang talaga nasusukat ang kapasidad at ang commitment. Kaya requisite talaga ang karanasan. Hindi abstract na “material conditions” ang nagsasabi sa iyo kung handa ka na — ang practice mismo.
“Political work > barilan.”
Totoo sa prinsipyo na “politics in command.” Pero hindi absolute. Sa actual history at sa karanasan ng unit ko, may periods na naging militarist ang practice. At may panahon din na ang buhay ng yunit ay sumasalalay sa Tactical Offensive (TO). Lalo na kapag wala nang naipapanalo sa usaping pampulitika sa masa at nasira na ang tiwala dahil sa mga pagkakamali.
Ang TO ay hindi lang “barilan.” Ito ay political act. Ito ang nagbibigay ng resources, credibility, at kakayahang magtanggol. Kapag matagal na walang TO, hindi ka kinakalinga ng masa. Napapadepensiba ka. Nalulusaw ang mga erya. Nagkakasakit ang mga kasama. Nag-aawol. Sumusuko.
Ito ang konkreto ng “material conditions” sa 2020s: maliliit na guerrilla fronts, eroded rural base, heavy militarization, maraming dating kadre na nasa legal NGOs, parties, o abroad. Kapag ginamit ang “material conditions” argument para i-justify ang continued strategic validity ng armed struggle bilang alternative, medyo forced na.
Dahil sa ganitong conservative practice ng mga legal na organisasyon (pag-iwas sa red-tagging, mabagal na Quick Response, pagtatago sa “hindi pa swak ang conditions”), mas lalong natatakot ang legal na sumalo sa mga casualties sa kanayunan. Padami ng padami ang namamatay. Pabagal ng pabagal ang recruitment. Padalang ng padalang ang replenishment. Maraming nag-aawol. Maraming sumusuko. Maraming bumabaliktad. Maraming gumaganti.
Kung maka-recover man ang kilusan, hindi na nila maaabot ang antas ng suporta noong 2018. Kung maabot man, aabutin na ng dalawang generation. At sa panahong iyon, huli na. Marami nang pagbabago sa lipunan at sa interes ng masang Pilipino. At hindi na matatanggap ang armadong pakikibaka sa dating anyo.
Sa huli, ito ang contradiction: Ang teorya ay nagsasabi ng principal form. Hindi kailangan ng mental gymnastics. Kailangan lang ng honest accounting sa pagitan ng linya at ng aktwal na daloy ng kasaysayan.
Ano ang lunas sa “limbo” posisyon ni ate? Kilalanin niya ang mga pahayag ng dating membro ng “hukbo” na niroromantisa niya. At unawain ang mga buhay na karanasan ng mga dating rebelde at dating baseng masa. At mula roon, unawain ang tunay na kongkretong kalagayan na malayo sa agit-prop ng partido.
Yakapin niya ang mapayapang pamamaraan kung nasaan siya kumikilos ngayon, at itakwil ang mga krimen at pang-aabuso ng “hukbo”, upang maging tunay na maging advocate sa social justice at human rights.
At ito ang pinakamasakit na bahagi.
Habang may mga kabataang umaakyat sa bundok at humaharap sa gutom, labanan, at kamatayan nang walang malinaw na pampolitikang tagumpay, may mga aktibistang nananatiling ligtas sa social media habang ipinagtatanggol ang isang teoryang alam nilang may mabigat na kapalit, pero hindi nila mismo kailangang panagutan sa aktuwal na buhay.
Sila ang nagsasabing balido ang armadong pakikibaka, pero kapag usapin na ng personal na sakripisyo, saka nila lilinawin na hindi naman nangangahulugang kailangan itong lahukan. Sa ganitong paraan, napapanatili nila ang paninindigan sa teorya nang hindi kinakailangang harapin ang mga panganib at sakripisyong kaakibat nito.
Ang resulta, may mga kabataang namamatay, may mga nawawala, at may mga sumusukong hindi na kayang tiisin ang bigat ng kanilang pinasok. Samantala, ang mga nagtatanggol sa armadong pakikibaka ay nananatiling mga tagapagtaguyod lamang nito at hindi kailanman lalahok dito, ligtas sa malayo sa mismong realidad na patuloy nilang ipinagtatanggol. Iyan ang hindi patas: may mga taong nagtataguyod ng isang paninindigan, pero may ibang taong kailangang magbayad ng pinakamabigat na halaga para rito.
Dating aktibista sa lungsod.
Dating NPA.





Mga Komento