UNPOPULAR OPINION | Operasyong Pagtatakip sa Nahuling NPA sa Mindoro
- Cleve Sta. Ana
- 1 day ago
- 2 min read
Malaking diskurso ngayon sa social media ang usapin ng pagkakahuli kay Charlize Garzon sa Occidental Mindoro. Ngunit kung susuriin ang bilis at pagkakapare-pareho ng mga pahayag mula sa Karapatan, Anakbayan, at Panday Sining, lumilitaw na ito ay isang operasyon upang pagtakpan ang pagkakaugnay ni Garzon sa New People’s Army (NPA).

Bakit kailangang pagtakpan? Sa mga nakaraang buwan, sunod-sunod na insidente sa Mindoro ang naglantad ng “legal dynamics” ng armadong kilusan—ang ugnayan sa pagitan ng mga ligal na organisasyon at ng NPA. Ang kaso ni Jerlyn Doydora, na iniulat na nasawi bilang kasapi ng NPA ngunit may kaugnayan sa Kabataan Partylist, ay nagbukas ng diskusyon sa overlap ng aktibismo ng mga ligal na pambansa-demokratikong organisasyon at armadong pakikibaka. Dagdag pa rito ang pag-amin ni Chantal Anicoche na siya ay na-recruit sa pamamagitan ng Bagong Alyansang Makabayan habang nasa abroad. Sa ganitong konteksto, ang pagkakahuli kay Garzon ay hindi hiwalay na insidente.
Hindi maikakaila na ang engkwentro noong March 29 ay maituturing na military loss sa panig ng NPA. Ngunit kasabay nito, ito rin ay isang kabiguan sa usaping politikal.
Ang pagkakahuli kay Garzon ay nagbubukas ng sensitibong usapin—ang reyalidad ng recruitment sa mga pamantasan, kabilang ang De La Salle-College of Saint Benilde at iba pang unibersidad sa parehong sona.
Kapag ang ganitong koneksyon ay nabigyang-linaw—lalo na kung may ebidensyang mag-uugnay sa mga cultural at youth organizations sa iligal na rebolusyunaryong kilusan, magkakaroon ng lehitimong batayan ang estado upang palakasin ang interbensyon: mas mahigpit na monitoring, policy reforms sa campus organizations, at mas agresibong counter-recruitment programs.
At dito nagiging malinaw kung bakit kailangang maagapan ng Communist Party of the Philippines ang naratibo.
Para sa CPP at mga kaalyadong organisasyon, ang pinakamalaking panganib ay hindi lamang ang pagkawala ng isang miyembro, kundi ang pagbagsak ng recruitment.
Sa huli, ang isyu ay hindi lang kung ano si Charlize Garzon—simpleng aktibista lang ba o sadyang mandirigma ng NPA. Ang mas mahalagang tanong ay kung bakit kailangan ng mga pambansa-demokratikong organisasyon na agad buuin at ipakalat ang isang partikular na bersyon ng katotohanan.
Sa gitna ng mga naglalabang pahayag, malinaw na ang tunggalian ay hindi lamang nasa larangan ng armas, kundi sa impormasyon. At sa laban na ito, ang kontrol sa naratibo ang maaaring magtakda kung sino ang mananaig, hindi lamang sa bundok, kundi sa isip ng publiko.





Comments