top of page

‘Pamamayagpag’ ng Anakbayan sa labas ng bansa, senyales ba ng lumalakas na international solidarity work ng CPP?

  • Larawan ng writer: Jhenelyn Cruz
    Jhenelyn Cruz
  • 22 oras ang nakalipas
  • 7 (na) min nang nabasa

MANILA — Ang muling pagtatag ng Anakbayan Japan ay kasalukuyang pinagmamalaki ng pambansa-demokratikong kilusan (national democratic movement) ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, at National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) bilang bagong yugto ng international solidarity work nito.


Ang hakbang na ito ay naglalayong palakasin ang impluwensya ng kilusan sa Filipino diaspora sa mga bansang tulad ng Japan na may malaking bilang ng overseas filipino workers at migrants. Ito ay sumasabay sa patuloy na pagsisikap ng kilusan na bumuo ng suporta sa abroad para sa kanilang agenda ng national democracy at pagpapalakas ng kilusang anti-imperialism.


Itinatag noong Nobyembre 30, 1998, ang Anakbayan sa Pilipinas ay isang komprehensibong youth mass organization. Ito ay nagpo-focus sa pagmo-mobilize ng mga kabataan mula sa iba’t ibang sektor. Sa abroad, ang Anakbayan ay nagsisilbing legal at open front na nagpo-promote ng linya ng kilusan, lalu na ng armadong pakikibaka bilang primaryong anyo.


Anakbayan sa buong mundo

Pinaka-established ang Anakbayan sa United States. Simula sa unang chapter sa Seattle noong unang bahagi ng 2000s, ito ay lumawak sa maraming lungsod kabilang ang Los Angeles, New York, New Jersey, Chicago, San Diego, at Philadelphia. Noong 2012, itinatag ang Anakbayan-USA sa Chicago bilang pambansang organisasyon. Ang mga chapter nito ay regular na nag-oorganisa ng mga protesta laban sa US intervention sa Pilipinas at lokal na isyu ng mga Filipino immigrant.


Sa Canada, may aktibong chapters sa Toronto, Ottawa, at British Columbia. Ang Anakbayan Toronto ay nagsimula noong 2011 at nakatuon sa migrant rights at solidarity campaigns. Sa Australia, ang Melbourne chapter ay bahagi ng mas malawak na network. May presensya rin ang organisasyon sa iba’t ibang bahagi ng Europe.


Kasama sa mas malawak na alliance ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na may overseas chapters tulad ng BAYAN USA at BAYAN Canada. Ang Migrante International ay aktibo sa pagtatanggol sa karapatan ng mga OFW, lalo na sa Japan, Hong Kong, at Middle East. Ang Gabriela ay nakatuon sa women’s issues, habang ang Kilusang Mayo Uno (KMU) ay nag-uugnay sa labor sector. Ang mga grupong ito ay gumagana bilang legal mass organizations na naghahatid ng propaganda at nagbuo ng international support.



Sentral na papel ng ILPS

Isa sa pinakamahalagang instrumento sa international solidarity work ng national democratic movement ang International League of Peoples’ Struggle (ILPS), na itinatag noong 2001. Si Jose Maria Sison, founding chairperson ng Communist Party of the Philippines, ay nagkaroon ng mahalagang papel sa ILPS at kalaunan ay kinilala bilang Chairperson Emeritus nito.


Mahalaga ang ILPS dahil nagsisilbi itong malawak na international platform para sa mga organisasyong may anti-imperialist, anti-fascist, at national liberation orientation. Sa ganitong balangkas, hindi lamang Philippine issues ang tinatalakay. Isinasama ang Pilipinas sa mas malawak na diskurso hinggil sa US militarism, neoliberal globalization, Palestine, climate justice, labor rights, migration, at karapatan ng mga katutubo. Sa madaling sabi, ginagawa ng ILPS ang lokal na isyu sa Pilipinas bilang bahagi ng pandaigdigang laban kontra imperyalismo.


Dito pumapasok ang papel ng Anakbayan. Sa international work, ang Anakbayan ang nagsisilbing youth and student formation na maaaring ikabit sa mas malawak na kampanya ng ILPS at iba pang kaalyadong organisasyon tulad ng BAYAN, Migrante, Gabriela, ICHRP, at iba pa. Kung ang ILPS ang mas malawak na international umbrella o coordinating platform, ang Anakbayan naman ang nagbibigay ng kabataang mukha, campus base, cultural work, at diaspora youth organizing sa loob ng network.


Makikita ito sa mga public activities at dokumento ng ILPS mismo. Sa listahan ng participating organizations sa 6th International Assembly ng ILPS, kabilang ang ANAKBAYAN at Anakbayan Southern Tagalog. Sa United States, lumitaw rin ang Anakbayan USA at ilang lokal na chapters nito sa No to APEC Coalition na pinakilos ng ILPS-US at iba pang allied groups noong 2023 sa San Francisco. Sa Canada, naiulat din ng ILPS Canada na kabilang ang organizers mula sa Anakbayan BC sa mga Vancouver delegates na lumahok sa No to APEC activities. Ipinapakita nito na ang ugnayan ng Anakbayan at ILPS ay hindi lamang teoretikal o ideological. Nakikita ito sa aktwal na mobilization, assemblies, campaigns, at international protest actions.


Sa ganitong setup, nagiging mahalagang bahagi ang Anakbayan sa pagpapalawak ng international solidarity machinery ng national democratic movement. Una, nagsisilbi itong recruitment and consolidation space para sa Filipino youth abroad na naghahanap ng identity, political belonging, at connection sa Pilipinas. Ikalawa, ginagamit nito ang wika ng anti-imperialism at migrant justice upang iugnay ang karanasan ng Filipino diaspora sa political line ng national democracy. Ikatlo, tumutulong ito sa pagpapalakas ng international pressure campaigns laban sa Philippine government sa pamamagitan ng protests, petitions, campus forums, cultural events, fundraising activities, and solidarity missions.


Kaya kung titingnan ang reaktibasyon ng Anakbayan Japan, hindi ito dapat basahin bilang simpleng pagtatayo ng isang youth organization sa abroad. Mas tama itong tingnan bilang pagbabalik o pagpapalakas ng isang youth node sa mas malawak na international infrastructure kung saan gumagalaw ang ILPS, BAYAN, Migrante, Gabriela, ICHRP, at iba pang national democratic formations. Sa ilalim ng ganitong international ecosystem, ang Anakbayan Japan ay maaaring magsilbing entry point ng Filipino youth and students sa Japan tungo sa mas malawak na anti-imperialist campaigns, Philippine solidarity work, at national democratic organizing.


Sa panlabas, ang ganitong gawain ay madalas ipinapakilala bilang people-to-people solidarity, migrant rights advocacy, at youth empowerment. Ngunit sa lente ng mga dating kadre at former rebels, mahalagang suriin kung paano ang ganitong international work ay maaaring magsilbing tulay mula legal advocacy patungo sa mas malalim na political consolidation. Sa ibang bansa, ang isang kabataan ay maaaring magsimula sa cultural night, forum, petition signing, o protest action. Ngunit sa loob ng national democratic framework, ang ganitong exposure ay maaaring maging unang hakbang sa mas sistematikong political education, ideological alignment, at organizational recruitment.


Sa madaling salita, mahalaga ang ILPS dahil ito ang nagbibigay ng international stage. Mahalaga ang Anakbayan dahil ito ang nagdadala ng kabataan sa entabladong iyon. Kapag pinagsama, nagiging mas malinaw kung paano napapanatili ng CPP-NPA-NDFP-aligned national democratic movement ang international reach nito kahit humihina na ang armadong pakikibaka sa loob ng Pilipinas.


Human cost ng recruitment

Sa kabila ng mga pagsisikap ng mga kadre abroad, hindi maikukubli ang maraming kaso ng risks sa paglahok sa kilusan.


Noong Enero 2026, si Chantal Anicoche, isang Fil-Am mula sa Maryland, ay nasangkot sa isang engkwentro sa Occidental Mindoro. Siya ay nawala pagkatapos ng labanan at kalaunan ay natagpuan ng militar. Si Cristina Pasion, isa pang Fil-Am, ay iniuugnay sa mga operasyon sa Mindoro. Ayon sa Armed Forces of the Philippines, siya ay nananatiling hawak ng NPA.


Noong Abril 19, 2026, sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental, isang malaking engkwentro ang naganap. Labing-siyam na katao ang nasawi, kabilang sina Lyle Prijoles at Kai Dana-Rene Sorem, mga Fil-Am activists at membro ng Anakbayan-USA. Si Prijoles ay opisyal ng Anakbayan-USA mula noong 2012 at aktibo sa International Coalition for Human Rights in the Philippines. Si Sorem naman ay founding officer of Anakbayan South Seattle. 


Isa pang halimbawa ay si Amado Khaya Canham Rodriguez o Ka Allen. Isang Fil-Am mula sa Oakland, California, at aktibo sa Anakbayan East Bay, siya ay nasawi noong 2020 sa Mindoro dahil sa health complications habang nasa yunit ng NPA.



Ngunit…

Sa kabilang banda, ang ganitong pagpupursige sa pag-oorganisa sa abroad ay maaari ring basahin bilang indikasyon na hindi na kasing-lakas ng dati ang national democratic movement sa loob ng Pilipinas. Habang humihina ang suporta sa domestic front, nababawasan ang mass base, at paubos na ang mga yunit ng NPA sa kanayunan, lalong nagiging mahalaga para sa kilusan ang overseas chapters, solidarity networks, at Filipino diaspora communities bilang bagong larangan ng propaganda, suporta, at resource generation.


Sa ganitong pananaw, ang reaktibasyon ng Anakbayan Japan ay isa ring sintomas ng pag-urong sa loob ng bansa. Kapag kumikitid ang espasyo sa kanayunan, humihina ang lokal na suporta, at nababawasan ang kakayahan ng armadong kilusan na kumilos sa dati nitong mga base area, mas nagiging mahalaga ang international work upang mapanatiling buhay ang presensya, impluwensya, at kredibilidad ng kilusan.


Sa mga isyung kinasangkutan ng Anakbayan at mga kaugnay na overseas formations, agad itong nagiging international campaign. Sa halip na manatili lamang sa larangan ng domestic debate, ang insidente ay mabilis na dinala sa diaspora spaces bilang usapin ng human rights, state violence, at “solidarity with the Philippines.”


Ganitong pattern din ang makikita sa mga pagkilos sa United Kingdom hinggil sa kaso ni Anicoche sa Mindoro. Mula sa isang insidente sa loob ng Pilipinas, ang usapin ay dinala sa harap ng Philippine Embassy sa London sa pamamagitan ng mga grupong gaya ng Migrante UK, Anakbayan UK, ICHRP Britain, at iba pang solidarity formations. Ipinapakita nito kung paano nagiging extension ng local political battles ang overseas chapters: ang nangyayari sa kanayunan ay ginagawang campaign material sa abroad, at ang outrage sa abroad ay ibinabalik bilang pressure laban sa pamahalaan sa Pilipinas.


Kaya ang reaktibasyon ng Anakbayan Japan (at iba bang mga tsapter nito sa ibang bahagi ng mundo) ay dapat tingnan sa dalawang paraan. Una, ito ay bahagi ng patuloy na pagtatangka ng national democratic movement na magpalawak sa Filipino diaspora. Ikalawa, maaari rin itong indikasyon ng pangangailangan ng kilusan na humanap ng bagong espasyo dahil sa paghina ng kanilang dating lakas sa loob ng Pilipinas. 


Panawagan para sa lehitimong landas

Habang patuloy na nagsusumikap na palawakin ng CPP-NPA-NDFP ang kanilang international network, malinaw na ang armed struggle ay hindi na angkop sa kasalukuyang panahon. Tulad ng paulit-ulit na binibigyang-diin ni Noel Legaspi, dating high-ranking NPA cadre at presidente ng Buklod Kapayapaan, “The armed struggle has reached its end.”


Idinagdag pa niya na maraming buhay ang nasayang sa isang pakikibakang hindi tinanggap ng mamamayan. Ang Buklod Kapayapaan, ang pambansang pederasyon ng mga dating kadre at myembro ng CPP-NPA-NDFP, ay malinaw na nagpahayag: “We choose peace. There is no honor in terror, no justice in bloodshed.”


Sa harap ng mga katotohanang ito, ang mga kabataan sa Anakbayan Japan at iba pang international chapters ay dapat mag-isip nang taimtim. May mas ligtas, mas makabuluhan, at mas epektibong paraan upang maglingkod sa bayan — sa pamamagitan ng legitimate advocacy para sa karapatan ng OFWs, community development, edukasyon, at reporma sa lipunan nang hindi gumagamit ng karahasan.


Maaring ang international organizing ng kilusan ay nagpapakita ng determinasyon na palawakin ang impluwensya sa diaspora. Subalit ang mga kwento nina Chantal, Cristina, Lyle, at Amado ay malinaw na patunay na ang kanilang paniniwala sa adhikain ng kanilang organisasyon at ng buong national democratic movement ay maaaring mauwi sa mas mapanganib na landas kaysa sa inaakala nila.


Mula sa legal advocacy, cultural work, at solidarity campaigns sa abroad, may mga kabataang unti-unting nailalapit sa mas malalim na political consolidation, hanggang sa mismong espasyo ng armadong tunggalian sa Pilipinas. Ang kanilang mga karanasan ay hindi dapat gawing simpleng materyal para sa propaganda o martyrdom. Dapat itong maging babala sa mga Filipino youth abroad na ang tunay na paglilingkod sa bayan ay hindi kailangang humantong sa pagsampa sa digmaang kumitil na ng milyong buhay.





Mga Komento


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page