BALIKAN | Bago ang Laguna arrest, naiugnay na si Christina Pasion sa NPA sa Mindoro
- Jay Dimaguiba
- 4 oras ang nakalipas
- 4 (na) min nang nabasa

Hindi sa Laguna nagsimula ang pagkakaugnay ni Christina Pasion sa New People’s Army (NPA).
Ilang buwan bago siya natagpuan kasama ng isang medic ng NPA sa Cabuyao City, naiugnay na si Pasion sa NPA sa Occidental Mindoro. At ang unang nagkumpirma na kasama niya si Pasion sa NPA ay hindi ang Armed Forces of the Philippines (AFP), kundi ang kapwa niya U.S. citizen na si Chantal Anicoche.
Mahalagang balikan ang detalyeng ito ngayong inilalarawan ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) at Karapatan si Pasion bilang isang “activist” o “community organizer” na walang kaugnayan sa NPA.
Sa totoo, ang pagiging aktibista ay hindi krimen. Ngunit hindi rin nito awtomatikong nabubura ang mga partikular na pangyayari at testimonya na nag-uugnay kay Pasion sa armadong kilusan.
Si Anicoche mismo ang nagturo sa koneksyon
Noong Enero 2026, nasagip ng mga sundalo si Anicoche matapos ang serye ng engkuwentro sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro.
Sa kanyang salaysay matapos mailabas sa lugar, sinabi ni Anicoche na kasama niya si Pasion sa NPA. Sa madaling salita, hindi lamang military intelligence o isang hindi pinangalanang source ang unang nag-ugnay kay Pasion sa armadong grupo. Ang impormasyon ay nagmula mismo sa taong kasama niyang nagtungo sa Mindoro.
Dumating si Pasion sa Pilipinas noong unang bahagi ng Disyembre 2025 at nanatili muna kasama ni Anicoche bago sila nagtungo sa Mindoro. Nagkahiwalay umano sila kasunod ng engkuwentro noong Enero 1, kung saan ilang indibidwal ang napatay at kalaunan ay natagpuan si Anicoche.
Nakabalik sa kanyang pamilya at kalaunan sa Estados Unidos si Anicoche. Si Pasion naman ay hindi natagpuan sa lugar at pinaniniwalaang nanatili sa armadong grupo.
Nauna nang tinalakay ng Kontra-Kwento ang kaso nina Anicoche at Pasion sa mga ulat tungkol sa pagkakadawit ng mga kabataang aktibista sa mga armadong yunit sa Mindoro at sa papel ng international solidarity networks sa paglapit sa mga Filipino youth sa ibang bansa.
Mga sulat mula sa encounter site

Hindi nagtapos sa salaysay ni Anicoche ang pagkakaugnay kay Pasion.
Sa mga sumunod na operasyon sa Occidental Mindoro, nakarekober ang mga sundalo ng isang notebook na naglalaman ng mga tala tungkol sa mga aktibidad at panloob na usapin ng NPA. May mga English-language entry na pinaniniwalaang isinulat ni Pasion batay sa kanilang nilalaman.
Ipinakita ng mga entry ang matinding emotional distress at pagnanais na makaalis sa kanyang sitwasyon. Dahil dito, nanawagan ang Philippine Army noong Abril sa NPA na payagan si Pasion na makaalis at makabalik sa kanyang pamilya kung iyon ang kanyang kagustuhan. Iniulat ng Philippine News Agency na pinaniniwalaan noon ng militar na nananatili siya sa NPA unit sa Occidental Mindoro.
Inasahan ding bumalik si Pasion sa Estados Unidos noong Marso, ngunit hindi siya lumitaw para sa kanyang nakatakdang pag-alis. Nanatiling hindi tiyak ang kanyang kinaroroonan hanggang sa operasyon sa Laguna.
Natagpuan kasama ng wanted NPA officer

Noong Hulyo 30, nagsilbi ng warrant of arrest ang pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya laban kay Binay Serrano, alyas Ka Samay, sa Barangay San Isidro, Cabuyao City.
Maraming former rebels and nagkumpirma na si Serrano ay isang medical at logistics officer ng NPA. Sa kabila nito, Inilalarawan siya ngayon ng Karapatan at ICHRP bilang isang Mangyan-Buhid “community organizer.”
Hindi si Pasion ang target ng warrant. Gayunman, natagpuan siya sa parehong lugar kasama ni Serrano.
“She was not the one being arrested. The target was Binay Serrano,” paliwanag ni Brig. Gen. Melencio Ragudo, commander ng 203rd Infantry Brigade, sa isang ulat ng Daily Tribune.
Iniulat din ng Philippine Star na si Serrano ang target ng arrest warrant at kasama niya si Pasion nang isagawa ang operasyon. Kalaunan ay inilipat si Pasion sa kustodiya ng Bureau of Immigration para sa kaukulang proseso bilang isang U.S. citizen.
Ang presensya ni Pasion sa lugar ay hindi, sa sarili lamang, awtomatikong nagpapatunay ng pagiging kasapi niya ng NPA. Ngunit hindi rin ito maaaring tingnan nang hiwalay sa mga naunang pangyayari sa Mindoro.
Ang nawawalang konteksto sa “activist lamang” na depensa
Sa pahayag nito noong Agosto 2, sinabi ng ICHRP na sina Pasion at Serrano ay “baselessly linked” sa NPA at nagpapagamot umano nang sila ay arestuhin. Nanawagan ito para sa kanilang agarang paglaya at inilarawan ang operasyon bilang paglabag sa karapatang pantao at international humanitarian law.
Ngunit hindi tinugunan ng pahayag ang mahahalagang tanong tungkol sa kaso ni Pasion: Bakit sinabi mismo ni Anicoche na kasama niya si Pasion sa NPA? Bakit naiugnay si Pasion sa mga lugar kung saan kumikilos ang armadong grupo sa Mindoro? Paano maipapaliwanag ang mga tala na pinaniniwalaang isinulat niya at narekober sa isang encounter site? Bakit hindi siya nakabalik sa Estados Unidos ayon sa kanyang iskedyul? At bakit siya natagpuan kasama ng isang taong may warrant of arrest at tinutukoy ng militar bilang medical at logistics officer ng NPA?
Maaaring kuwestiyunin ng ICHRP at Karapatan ang operasyon at igiit ang mga karapatan nina Pasion at Serrano. Karapatan nilang humiling ng malinaw na impormasyon, access sa abogado, at wastong prosesong legal.
Ngunit ibang usapin ang paggiit ng due process at ang pagtatangkang burahin ang buong kasaysayan ng pagkakaugnay ni Pasion at ni Serrano sa NPA.
Hindi kriminal ang pagiging aktibista—pero hindi rin ito kumpletong paliwanag
Hindi dapat ipagkamali ang legal na aktibismo sa armadong pakikibaka. Maraming aktibista ang lehitimong kumikilos sa loob ng batas at walang anumang kaugnayan sa NPA.
Ngunit hindi rin sapat na tawagin lamang na “aktibista” ang isang tao upang awtomatikong mawala ang lahat ng ebidensiya at testimonya tungkol sa kanyang paglahok sa armadong grupo. Ang “aktibista” at “kasapi ng NPA” ay hindi palaging magkasalungat na kategorya. Ang tunay na tanong ay kung ano ang ipinapakita ng mga partikular na kilos, ugnayan, testimonya, at iba pang ebidensiya.
Sa kaso ni Pasion, may malinaw na chronology na kailangang sagutin: ang pagpunta niya sa Mindoro kasama ni Anicoche, ang mismong salaysay ni Anicoche na kasama niya si Pasion sa NPA, ang mga sulat na narekober sa encounter site, ang hindi niya pagbalik sa Estados Unidos, at ang pagkakatagpo sa kanya kasama ng isang pinaghahanap na umano’y opisyal ng NPA.
Sa huli, dapat matukoy ng isang transparent na imbestigasyon at wastong prosesong legal ang eksaktong papel ni Pasion. Ngunit habang ipinagtatanggol ang kanyang mga karapatan, hindi dapat piliin lamang ang mga detalyeng akma sa “activist lamang” na naratibo.
Dahil ang hindi maitatangging katotohanan, bago pa man ang Laguna arrest, may kuwento na sa Mindoro. At sa kuwentong iyon, si Chantal Anicoche mismo ang nag-ugnay kay Christina Pasion sa NPA.

